NAKAKATAWANG nakakainis. Mabuti pa ang mga kriminal ay armado ng matataas na kalibreng sandata pero ang ating kapulisan ay kulang sa sandata.
Only in the Philippines yata iyan. Inamin ni PNP chief, Director General Avelino Razon ang masaklap na katotohanang ito. Umaabot sa 20,000 tauhan ng pulisya ang hindi na-isyuhan ng service firearms. Grabe.
Nakalulungkot tuwing may nababalitaan tayong pulis na tinigok ng holdaper. Kawawa talaga. Kapag pulis ang nagtutumba ng masasamang-loob, “human rights violation” ang isinisigaw. Kapag pulis naman ang pinatay ng mga gagong holdaper, hanggang balutan na lang ng watawat ng Pilipinas ang kanilang kabaong.
Kahit paminsan-minsan tayong pumipilantik sa kapalpakan ng ilang alagad ng batas, dapat din namang makisimpatiya tayo sa kanila kung nararapat. Ang kawalan ng armas ay malaking panganib sa buhay nila bilang tagapangalaga sa kaligtasan ng publiko.
Hindi ba kakatwa na ang mga kidnappers, drug pushers, carjackers, bank holduppers ay humahawak ng mga state of the art na sandata pero ang maraming pulis ay wala?
Eh kung i-recruit na lang kaya ang mga kriminal na ito sa police service para mapakinabangan? Birong asar lang iyan pero sino ba ang hindi maiinis sa ganyang sitwasyon?
Mahirap nang mabuhay nang may seguridad sa lipu-nan. Kung mayaman ka, peligroso kang makidnap. Kung odinaryo kang commuter, delikado ka naman sa mga holdupper at mandurukot. At kung middle class ka na may awto, peligroso ka pa rin sa mga carnappers. Sino na ang masasandalan natin sa oras ng kagipitan kung walang sandata ang pulis?
Sana naman ay ma-isyuhan ng baril ang lahat ng pulis para magampanan ng tama ang tungkulin. Ibig kong sabihin ay yung baril na may bala at pumuputok, ano?