KAAWA-AWA naman ang mga pulis na walang baril. Sa bansang ito na ang mga masasamang loob ay parami nang parami ang bilang, hindi dapat hayaang walang baril ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP). Kawawa naman sila kung makaengkuwentro ng mga halang ang kaluluwa na ngayon ay wala nang takot umatake. Kahit araw ay bumabanat ang mga halang ang kaluluwa at ang sinu mang pumalag ay kanilang pinapatay nang walang awa. Gaya nang nangyari sa RCBC Branch sa Cabuyao, Laguna noong Mayo kung saan ay 10 katao ang kanilang pinagbabaril sa ulo at saka pinagnakawan.
Sa bibig mismo ni PNP chief Dir. Gen. Avelino Razon Jr. nanggaling na may 20,000 pulis sa buong bansa ang walang baril. Kung walang baril ang ganito karaming pulis sa bansa, ano kaya ang ginagamit nilang panlaban sa mga masasamang loob? Batuta? O hinahayaan na lamang nila ang mga masasamang loob sa kanilang gawain at baka pa sila barilin.
Hindi uubra na batuta ang gagamitin ng mga pulis. Anong laban ng batuta sa matataas na kalibreng baril ng mga masasamang loob. Karaniwang ang ginagamit na baril ng mga masasamang-loob ay M16 rifles at iba pang malalakas na baril. Hindi natatakot ang mga masasamang-loob sapagkat alam nilang walang itatapat sa kanila ang mga parak.
Ilang buwan na ang nakararaan, isang banko sa West Avenue, Quezon City ang hinoldap ng mga armadong lalaki. Walang anumang nakapasok sa banko ang mga holdaper makaraang tutukan ang mga guwardiya. Ilang minuto lamang ang nakalipas ay nalimas na ang laman ng banko at mabilis na lumabas ang mga holdaper.
Para matakot ang mga taong nakakita sa kanilang ginawang pagnanakaw, sabay-sabay na nagpaputok ng baril ang holdaper. Nakunan ng video ng isang nagdadaang motorista ang pagpapaputok ng baril ng mga holdaper bago nagsisakay sa dalawang van na mabilis din namang nakatakas. Malaking halaga ng pera ang nakulimbat ng grupo.
Walang nakarespondeng mga pulis sa kabila na malapit lamang ang lugar ng pinagnakawan. Nakarating lamang ang mga pulis nang malayo na ang mga holdaper.
Marahil walang armas ang mga pulis kaya hindi sila nakaresponde. Mahirap nang makasagupa ang mga halang ang kaluluwa. Bigyan ng baril ang PNP.