Pakikipagpulong ni Jinggoy kay Mishal Kanoo ng UAE

NAPAKA-PRODUKTIBO ng pakikipagpulong ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada kay Mishal Kanoo ng United Arab Emirates (UAE). Si Mishal ang “world’s 7th richest Arab” na ang kayamanan ay umaabot sa US$1.7 bilyon. Ang kanilang pagpupulong ay naganap sa limang araw na official visit ni Jinggoy sa UAE.

Inilarawan si Mishal ng Arabian Business magazine (June 29, 2008 issue) na ika-22 sa 100 pinaka­maimpluwensyang Arabo sa buong mundo.

Si Mishal ay deputy chairman ng Kanoo Group, isang napakalaking family-owned business conglomerate na nasa Bahrain. Ang Kanoo Group ay mayroon nang 100 taong karanasan sa pagnenegosyo sa iba’t ibang pangunahing industriya tulad ng shipping, travel, oil, gas and power, logistics, specialty chemicals at business centers sa Arab at European countries, at sa teritoryo ng Gulf Cooperation Council (GCC) na binubuo ng Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar, Saudi Arabia at UAE.

Sa kasalukuyan, ang Kanoo Group ay mayroong ka-partner na “exclusive manpower recruiter” sa Pilipinas at ito ay ang MAB International Services Inc. sa ilalim ng kanilang partnership, ang mga manggagawang Pilipino na nag-a-apply ng trabaho sa alinman sa mga kompanya ng Kanoo Group ay hindi sinisingil ng placement fee o anumang salary deduction para rito, bagkus ay ang Kanoo Group ang gumagastos para sa kanila.

Si Jinggoy, na chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ay nagpahayag ng papuri sa ganitong   partnership at serbisyo ng Kanoo Group at MAB International Services Inc, at sinabi niyang dapat itong tu­laran ng lahat ng foreign companies at manpower recruiters.

Sa kanilang pulong, inihayag ni Mishal na plano niyang magtayo ng malaking negosyo sa Cebu. Ayon kay Mishal, interesado siya sa pagnenegosyo sa Pilipinas dahil mayaman ang ating bansa sa natural resources at skilled labor force, kaya’t madaling mag-promote dito ng “international business ventures and tourism.”

Show comments