Nakapagtataka ang katahimikan

KASO ito ng ECSI, kompanyang nagbebenta ng    mga gamit sa konstruksiyon. Ang EEC ay isa sa    kanilang kliyente.

Sa kanilang bentahan, gagawa ng apat na kopya ng sales invoice ang ECSI upang papir­mahan ang orihinal at isang kopya sa EEC. Pagkatapos, iiwan sa EEC ang kopya at dadalhin ng tao nila ang orihinal. Ibibigay lamang ito sa customer kapag nabayaran na o kaya ay pag kokolektahin na ang bayad. Laging nakasulat doon na hindi pa bayad ang invoice hanggang wala pa ang opisyal na resibo.  

Sa pagitan ng Agosto 1980 hanggang Marso 1981, nagdeliver ang ECSI ng mga kagamitan na nagkakahalaga ng P681,316.70. Base ito sa iba’t ibang invoice na hindi pa nababayaran ng EEC. Noong Pebrero 20, 1981, naningil ang  ECSI sa EEC at nag­ padala ng listahan ng lahat ng dapat bayaran nito. Kasama sa listahan ang orihi­nal na kopya ng mga invoice magmula Agosto 4, 1980 hanggang Enero 15, 1981, naiwan sa ECSI ang mga invoice na hindi pa kailangang bayaran ng EEC. Hindi sumagot at hindi rin nagbayad ang EEC kahit pinaalala ng ECSI na ipaalam agad sa kanila kung nakabayad na ang kompanya.

Noong Marso 12, 1985, nagpadala muli ng   sulat ang ECSI at muli, hindi pa rin ito pinansin ng EEC. Kaya’t noong Marso 12, 1985, nag­sampa ng rekla­mo ang ECSI laban sa EEC upang masingil ang P681,316.70.

Noong Setyembre 30, 1993, nagdesisyon ang korte pabor sa ECSI ngunit para lamang sa halagang P37,055.20 at sa 12% interes dahil ito lamang ang halagang may orihinal na sales invoice. Ayon kasi sa ECSI, isinama nila sa statement of account sa EEC ang mga dokumentong kailangan ng korte. Ngunit hindi ito tinanggap ng korte. Ayon sa korte, dahil hindi naipakita ang mga orihinal na dokumento, malamang na hindi naman natanggap ng EEC ang mga kagamitang sangkot at sa iba ito ipinadala.

Tama ba ang korte?

MALI. Ayon sa Court of Appeals at Supreme Court, nakagawian na ng ECSI na papirmahan lang sa kopya ng sales invoice ang taga-EEC at ang orihinal na kopya ay kukunin nila upang isama sa statement of account. Malinaw na imposible para sa ECSI na maisumite sa korte ang orihinal at ang kopyang pirmado ng EEC dahil pareho na itong hawak ng huli. Ang naiwan lang sa ECSI ay ang mga orihinal na sales invoice na hindi pa kailangang bayaran ng EEC.

Dagdag pa rito, hindi naman talaga pruweba ang sales invoice ng pagbabayad. Ebidensiya lamang ito na tinanggap ng EEC ang mga karga­mento. Malinaw na nakalagay sa invoice na hindi pa talaga bayad ang mga kargamento  hanggang wala pa ang opisyal na resibo. Sa parte ng EEC, hindi naipakita ang mga resibo na magpapatunay na nakabayad na ang kompanya.

Pangalawa, wala ring ginawa ang EEC kahit pa paulit-ulit na ipinaalala ng ECSI na ipagbigay alam agad sa kompanya kung hindi magtugma ang mga invoice. Nanatiling tahimik ang EEC sa loob ng apat na taon mula nang matanggap nito ang sulat hang­ gang tuluyang magsampa ang ECSI ng kaso. Hindi man lang ito nag-abalang sumagot. Sadyang naka­pagtataka ang katahimi­kang ipinakikita ng EEC.  Hindi ito normal na ginagawa ng isang taong nakaba­yad na ngunit sinisingil pa rin sa utang. Maituturing na ang katahimikan ng EEC ay halos pag-amin na rin sa katotohanan ng mga nakalagay sa statement of account.

Ang isang taong napaniwala ang iba sa isang bagay na hindi naman totoo dahil sa kanyang ikini­ kilos, pag-amin o pananahimik kahit dapat magsalita, sinadya man o hindi ay hindi na maa­aring tumanggi pa lalo kung nagdulot ito ng kapa­hamakan sa kan­yang kapwa. Dapat na bayaran ng EEC ang ECSI ng kabuuang halaga na P681,316.70 dagdag pa ang 12% na interes. (El Oro Engraver Corp. vs. Court of Appeal et. Al., G.R. 125267, February 18, 2008).  

Show comments