Nakaraang Hunyo 12 ay Araw ng Kalayaan
inaalaala mga bayani ng ating bayan;
Ang maraming nangadusta sa madilim na labanan
kung maari’y nais nating sila’y muling mangabuhay!
Di mabilang na bayani ang nag-alay ng pag-ibig
upang tayo ay mabuhay na malayo sa panganib;
Dugo nila ay umagos sa bundok at mga yungib
Sa dagat at kalupaan buhay nila ay napatid!
Oh kay sarap ng mabuhay sa daigdig na malaya
dahil sila’y namuhunan na buhay ang itinaya;
Masarap ang pakiramdam kung tayo ay titingala
at sa hangi’y makikitang nagsasayaw ang bandila!
Masarap din na makitang tayong mga nabubuhay
maligayang nagsasama sa natamong kasarinlan;
Subali’t ang nakikita sa abot ng ating tanaw
tayo nga ay malaya na pero laging magkaaway!
Dakila ang naging misyon ni Rizal at Bonifacio
upang maging malaya nga tayong mga Pilipino;
Panulat at saka itak ginamit ng dalwang ito
kaya sila’y may dambana sa puso ng mga tao!
Mga kawal nitong baya’y malaki rin ang nagawa
sa larangan ng digmaan sigaw nila at paglaya;
Marami rin ang sibilyang nalugami’t nakidigma
hinarap ang kamatayan at sila rin ay dakila!
Paggunita na nga lamang nagagawa natin ngayon
pero ito ay mintis pa sa bayan at mga nayon;
Ang Araw ng Kalayaan wari’y limot na kahapon
naglaho na ang paggalang na dati ay sakdal yabong!
Mga lider nitong bansa tila ngayo’y mga manhid
sa bantayog ni Gat. Rizal ni hindi na sumisilip;
Sa wari ba’y nawala na sa puso at saka isip
na kung kaya sila’y lider may bayaning nangagsakit!
Kalayaang binuwisan ng diwa at katapangan
hindi na rin alaala sa maraming paaralan;
Dapat sana’y di rin ito malimot ng kabataan
pagka’t sila ang marapat na manguna sa paggalang!