Abu ang pag-initan ng gobyerno, hindi ang mga kritiko

KAMI ni President Erap at panganay naming anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay natuwa sa paglaya ni TV anchor Ces Drilon, cameraman Jimmy Encarnacion at university professor Octavio Dinampo. Sina Ces ay binihag ng Abu Sayyaf sa loob ng siyam na araw.

Ang Sayyaf ang tunay na kalaban ng pamahalaan na dapat ginagamitan ng kamay na bakal. Ang hirap kasi sa Arroyo administration, ang pinag-iinitan lagi ay ang mga lehitimong kritiko at media na nagbubunyag ng katiwalian at kapalpakan sa pamahalaan.

Tingnan na lang ang mga kaganapan sa nakalipas na mga araw. Nang umingay ang mga debate at pagpuna sa pagiging bigo ng gobyerno na resolbahin ang krisis sa bigas, enerhiya, langis at mga pangunahing bilihin, napikon ang administrasyon at mabilis na sinabi na bahagi na naman daw ng destabilisasyon ang mga ingay na ito.

Kapag inilalantad din ng mga kagawad ng media ang mga kabulukan sa gobyerno, agad na nagiging matalim ang ganti ng administrasyon, at nagsasampa ng libelo at iba pang kaso sa mga journalist, at marami sa kanila ay nakukulong habang ang ilan ay bigla na lang nawawala.

Sariwa pa sa alaala ko ang Manila Peninsula incident kung saan ang mga journalist na nag-cover ng kaganapan at nag-interview kay Sen. Sonny Trillanes at sa mga nag-alsang sundalo ay pinosasan, hinakot sa istasyon ng pulis at isinailalim sa “rigid questioning” na parang suspects sa krimen.

Pero sa kaso ng pagbihag kina Ces, maraming araw na ang lumipas pero hindi pa rin nakikita ang “complete, decisive action” ng administrasyon laban sa mga bandido.

Sabi nga ni Jinggoy, ang mga bandidong ito, na kala­ban ng lahat ng “peace-loving people,” ang dapat pag-initan nang husto at tugisin ng gobyerno.

Show comments