DITO sa United States ay nagkaisa ang mga Pinoy sa pagdiriwang ng ika-110 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas noong Biyernes. Ang iba’t ibang samahan ng Pinoy dito ay nagpakita ng kanilang pagmamahal sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagtatanghal ng mga programa ukol sa pinagdaanan ng mga Pinoy para makamtan ang kalayaang tinatamasa ngayon.
Kahit magkakaibang grupo ang mga Pinoy dito, halos pare-pareho pa rin ang layunin at nilalaman ng paggunita sa Araw ng Kalayaan. Kay gandang tingnan na ang mga kababaihan at nakasuot ng saya at Barong ang kalalakihan. Ang inihandang pagkain ay pawang masasarap na pagkaing Pinoy at ang mga palamuti sa pinagtanghalan ay likas na tatak Pilipino ang ginamit.
Nabanggit sa akin ng isang kababayang Pinoy na ngayon lamang nangyari ang ganito kabonggang selebrasyon sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Dati raw, kahit na Pasko o Bagong Taon ay kanya-kanya ang ginagawang pagdiriwang. May pagkakataon pa raw na may mga grupo na hindi ipinagdiriwang ang isang mahalagang araw ngunit ipinagdiriwang naman ng iba.
Muling sumigla ang aking kalooban at naging maalab ang pagiging isang tunay na Pilipino nang masaksihan ang mga programa sa pagdiriwang ng Kalayaan. Nakagagaan ng kalooban na makitang ang kapwa mga Pilipino ay sama-samang gumugunita sa tagumpay ng malayang bayan.
Sa palagay ko sa mga susunod pang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan dito sa US ay lalo pang magiging maigting ang pagkakaisa ng mga Pinoy. Lalo pa silang magbubuklod-buklod para maiangat ang tunay na lahing Pilipino hindi lamang dito sa US kundi sa lahat ng dako ng mundo. Maligayang Araw ng Kalayaan sa lahat.