Gusto n’yong magpaputi?
ANG sangkap na glutathione ang pinaka-popular at sa ngayon ay pinaka-epektibong sangkap na maaaring inumin ng tao para makapagpaputi. Ang glutathione ay hindi pampaputi.Ito’y napatunayang anti-oxidant (nakakalinis ng sistema ng katawan) na may lamang side effect na nakakaputi ng balat. Kaya glutathione ang binibida ng halos lahat ng brand ng whitening pills sa mga tindahan. Kailangan ang 500 mg sa isa hanggang tatlong beses isang araw na pag-inom, araw-araw, para mamuti ang balat. Kung kulang sa 500 mg, eh tatagal nang husto at kailangang uminom nang napakaraming pills ng isang nag-aambisyong pumuti. Hindi rin daw tama, ayon sa mga dermatologist, na sabihing ito ay “whitening”. Dapat daw dito’y “lightening” lang — at wala namang kulay kape ang balat na talagang naging puti. Kailangan daw tingnan ang pinaka-maputing bahagi ng katawan. At dito raw masusukat kung ano ang kaputiang maaaring maabot ng isang nagpapaputi.
Nangarap din si Alyas Jane pumuti — malam-ang ay idol niya sina Kris Aquino at Lucy Torres sa kaputian. Pero nang uminom ng isang brand ng pampaputi raw ay nagbukul-bukol ang mukha. Hindi mapatunayang gawa ito nung Vaniderm na ininom. Ngunit napatunayan ng PIPAC laboratory na halos walang laman na glutathione ang pills ng Vaniderm.
Hindi naglaon at nagbalak na ang doktora at si Alyas Jane na pormal na magreklamo sa Bureau of Food and Drugs laban sa Vaniderm. Nang ilapit sa amin ang balak nilang ito ay nagka-interes na kaming talakayin ang “brand war” o giyera ng mga brand ng pampaputi o food supplements sa mercado. Ang MET Tathione at Lucida DS/Vaniderm (na iisa ang may-ari) ay ang pinakamahigpit na magkakumpitensiya sa negosyo ng “anti-oxidants” pero binibili bilang pampaputi.
Sinabi naming nais ng ABS-CBN na ma- ging independiyente sa dalawang brand. Ayaw naming mabahiran ng duda ang mga resulta sa aming report. Kaya kami na mismo ang nagpabili ng siyam na brand ng food supplement/pampaputi at dinala sa PIPAC na laboratoryo ng Ateneo de Manila University. Isa ito sa iilan lang sa buong Pilipinas na may teknolohiyang HPLC na nakapagsasabi ng sukat ng glutathione sa pills. At heto na ang simula ng tunay na kalbaryo ng United Shelter na gumagawa ng Lucida DS at Vaniderm.
Lumabas nang malinaw sa pag-aaral/ pagsusuri sa siyentipikong pamamaraan ng PIPAC na dalawa lang sa siyam na brand na aming binili sa iba’t ibang malaking botika ang pumasa sa sinasabi ng kanilang mga komersyal at etiketa na ang pills nila ay may 500 mg. na glutathione!
- Latest
- Trending















