NOONG dekada 70, may isang futuristic movie na pinagbidahan ng namayapa nang si Charlton Heston na ang pamagat ay Soylent Green.
Ipinakita rito ang isang kakaibang uri ng pagtrato sa mga taong malapit nang mamayapa, lalo na ’yung mga matatanda na. Ipinapasok sila sa isang magarang silid na nagpapakita ng virtual reality video ng mga magagandang tanawin ng kalikasan tulad ng mga batis, ibon at kabukiran.
Ang mga matatandang malapit nang mamatay ay iiniksyunan ng gamot na unti-unting kikitil sa kanila habang nanonood ng magandang tanawin kaalinsabay ng magandang musika. Sa panahong ito, puro makabagong gusali na ang makikita. Wala nang kagubatan at mga batis. Halos ubos na ang mga punongkahoy at ang mga hayop at isdang pagkain ng tao ay limitado na.
Wala nang taniman ng gulay at mga prutas o pastulan ng mga baka at iba pang hayup na kinakain. Ang pagkain ay kasing-halaga ng mamahaling alahas at tanging mayayaman na lang ang makabibili. Pero may isang produktong pang-masa. Mura lang at abot-kaya ng mga mahihirap. Soylent Green ang tawag dahil kulay berde ito at ang pangalan ng gumagawa ay “Soylent”. Parang biskwit na masarap at punung-puno ng sustansya. Natuklasan ng bidang si Charlton Heston ang sikreto ng pagkaing ito: Gawa pala ito sa mga taong namatay o yung mga matatandang tinukoy natin kanina.
Nalalapit na kaya tayo sa ganyang senaryo? Ngayo’y wala nang puknat ang pagtaas sa halaga ng gasolina at bigas. Susunod pang tataas ang halaga ng mga produktong pagkain tulad ng karne. Nagbabala ang Cold Chain Association of the Philippines (CCAP) na sa susunod na mga araw, tataas ang halaga ng inaangkat na karne. Huwag naman sanang umabot sa kasukdulan at baka mangyari sa tunay na buhay ang senaryo sa pelikula. Pero may mga nakikita tayong indikasyon na nangyayari ito nang unti-unti. Shall we just remain soylent about it?