Lower power rate promise ni Winston

AGAD daw  bababa hanggang 20-porsyento ang halaga ng elektrisidad kung magte-takeover ang GSIS sa pama­mahala ng MERALCO mula sa kamay ng mga Lopez.

Aba, sino namang mamamayan ang hindi kakagat sa ganyang promesa ni GSIS Gen. Manager Winston Garcia (pero may malaking) KUNG magkakatotoo. Sagad na sagad na ang taumbayan porke lahat na lang ng pangu­nahing bilihin at serbisyo ay walang habas na tumataas.

At dahil sa mga nabulgar na anomalya laban sa pama­mahala ng mga Lopez sa MERALCO, malamang kumampi ang taumbayan sa gobyerno sa usaping ito. Mantakin mo yung mahigit P800 milyong interes sa meter deposit ng mga tao na inangkin ng Meralco under the Lopezes at ipinamudmod sa mga shareholders bukod pa sa panini-ngil sa taumbayan sa elektrisidad na kinukonsumo ng kompanya.

Kaso lang, baka ang pagsasalin ng management ng MERALCO ay nangangahulugan lamang na ibang mga nilalang naman ang magpapasasa sa katiwalian. Huwag naman sana.

Kinukuwestyon kasi ng GSIS ang proxy votes ng mga Lopez sa nakalipas na shareholders’ meeting na nagpa­natili sa kontrol ng huli sa power distribution firm.

Kung kumatig ang batas sa gobyerno at mapawalang bisa ang mga proxy votes, makukuha ng GSIS ang limang upuan sa kompanya at maaagaw ang pamamahala nito.

Ginagarantiyahan ni Garcia na kapag nangyari ito, maibababa ng hanggang 20-porsyento ang halaga ng kuryente sa loob ng dalawang buwan.

Kontrobersyal ang MERALCO sa pamamahala ng mga Lopez dahil sa hindi pagre-refund sa taumbayan sa P21 bilyong bills at meter deposit at gayundin ang P30-bilyong buwis na ipinatong nito sa mga consumers mula 1994 hanggang 2002 sa kabila ng utos ng Korte Suprema. Sana, sana nga magkaroon ng positibong resulta ang sigalot na ito dahil taumbayan ang nagdurusa.

Show comments