MARAMIng BESES pumunta sa amin si Vilma Cayabyab ng Palauig Zambales. Nung una ay palaisipan pa sa kanila ang pagkamatay ng kanyang kapatid ngunit parang teleserye na dahan-dahang nabigyang linaw at ngayon at hindi magtatagal malulutas ito.Matapos nitong manawagan sa aming programa at mailathala dito sa “CALVENTO FILES” ang kwento ng pagkamatay ni Larry Cayabyab, kapatid ni Vilma. Hindi lamang isa kundi dalawang testigo meron na ngayon.
Isinama ni Vilma si Araceli Conrada sa aming tanggapan upang ibigay ang kanyang umano’y nasaksihan.
Ating balikan ang kwento ni Larry Cayabyab.
Nung una nakatanggap ng tawag si Vilma mula sa isang hindi kilalang lalaki hating gabi,ika-18 ng Enero 2007. ibinalita sa kanya na patay si Larry. Nagtungo siya sa Funeral Homes ng Rizal sa Pasay City. Positibo nga na iyon ang kanyang kapatid.
Bumalik siya kinabukasan dahil walang malinaw na sagot ang mga kasama sa boarding house nitong si Larry. Nagtanong sila sa barangay sa Pildera sa Pasay City. Nakausap nila ang Secretary na si Grace Patubo. Dumating ang tanod na si Samson David. Tinanong niya kung ano ang nangyari kay Larry. “
“Lasing na lasing si Larry kaya pinatulog lang namin sa barangay hall mag-isa kinabukasan natagpuan itong patay.” Ayon kay David.
Hindi sila nakuntento sa mga sinabi nitong tanod. Enero 20, 2007 iniuwi nila ang bangkay ni Larry sa Zambales.
Lumipas ang ilang araw bumalik siya ng Manila. Nagfile siya ng reklamo sa dalawang tanod na sina Samson David at Leo Nidea.
Nakasuhan sila ng Simple Negligence Resulting to Homicide sa prosecution office ng Pasay City at hindi nagtagal nasampa ito sa Branch 48. Kaya ito lamang ang naikaso, ito ay dahil sa walang matibay na testigo na maaring magbigay ng eyewitness account.
Lumutang ang isang Roger Alcantara at nagbigay ng salaysay.
“Nakita ko na bitbit ng tanod na sina Jesus Ortega at Samson David si Larry. Hawak sa dalawang braso patungong barangay hall. Nakita ko rin na bumunot ng baril si Kapitan Felicismo Arnesto at pinalo ito sa ulo. Agad nila itong pinasok as loob.” pahayag ni Roger.
Ayon sa Medico-Legal-Report nung January 25, 2007 na isinagawa ni Dr. Votaire Nulod. lumalabas na Traumatic Head Injury ang pagkamatay sanhi ng pagpukpok ng matigas na bagay.
Hindi din nagtagal at isa pang testigo na si Araceli Conrada na nga ang sumunod na nagkaroon ng lakas ng loob na magsalita. Pinapunta namin sila sa Department of Justice nung April 10, 2008. Dun ay matutulungan silang masampahan ng bagong kaso ang mga barangay tanod at kapitan.
Nagbigay ng panibagong salaysay si Vilma at isinama rin nila ang salaysay ni Roger at ni Arceli.
Base sa salaysay ni Araceli, bandang 11:45 ng gabi nung araw na ‘yun, susunduin niya ang kagawad na si Sol Dela Rosa. Napadaan siya sa videoke bar na pag-aari ni kapitan. Nakita niya si Roger Alcantara na may utang sa kanya kaya bahagya itong nagtago para hulihin at masingil.
“Nakita ko ang isang lalaki na lumabas at sumunod ang tanod na si David at sinabi ano may plano ka mag-one-two-three, tatakbo ka at hindi magbabayad?”Sumagot yung lalaki na may pambayad ako,” ayon kay Araceli.
Nagkaroon ng palitan ng salita at biglang hinila ng dalawang tanod sa loob upang ipaalam kay Kapitan Arnesto. Umalis agad si Araceli at pumunta sa barangay hall. Pagdating niya ay nandun si kapitan pati ang ibang kagawad. Tinanong niya kung nadun pa si Sol at sinabi na hinatid ng tanod na si Nidea sakay sa service. Bago siya umuwi ay dumaan siya sa saklaan dahil may nakaburol mapalit sa barangay hall.
“Nakita ko si kapitan at mga tanod kasama ang nakasagutang lalaki. Nag-usisa ako at nagtago sa poste. Malapit lang ang tinataguan ko kaya’t rinig ko kung anu ang pinag-uusapan nila,” kwento ni Araceli.
Tinanong ni kapitan kung may plano itong tumakas. Sinagot naman ng lalaki na may pambayad ito dahil bagong sweldo lang siya. Dumukot ito ng wallet at binigay kay kapitan. Tapos ay dinala ito sa barangay hall.
Nagpasyang bumalik si Araceli upang malaman kung anu kahihinatnan ng lalaki. Pagdating niya sa kanto malapit sa hall ay umupo siya sa isang kainan.
Tanaw niya na paakyat ng hagdan si kapitan kasama ang tanod at bitbit ang lalaki.
“Nagkapalitan sila ng salita at biglang bumunot ng baril si kapitan habang hawak sa tig-isang braso nina David at Ortega. Pinukpok ni kapitan ng baril sa kaliwang parte ng ulo ang kaawa-awa at walang laban na lalaki.” ayon sa salaysay ni Araceli.
Dahil sa lakas ng pagkakapukpok sa ulo ay halos sumubsob ito sa hagdan ng barangay hall. Pagkatapos paluin ay nagsalita umano pa ng pasigaw si kapitan.
“Akala nya hindi ko siya hahatawin,” ayon sa salaysay ni Araceli.
Nang marinig niya iyon ay patakbong umuwi si Araceli sa takot ng kanyang nasaksihan. Kinabukasan sinamahan niya sa pagduty si Sol bandang ika-7 ng umaga. Habang nasa daan ay nabalitaan na may patay sa barangay hall.
“Nagulat si ate Sol, wala man lang pasabi na may patay dahil kagawad siya. Dahil sa ibinalita ay sinabi ko sa kanya ang aking nasaksihan kagabi at sinabi niya na iimbestigahan natin iyan.” Sabi ni Araceli
Pinagbuksan umano sila ng pintuan ni David. Sumalubong sa kanila ang masangsang na amoy na tila may patay na daga. Dumating ang kaibigan ng lalaking namatay at nalaman ko na Larry Cayabyab ang pangalan nito.
Hindi agad lumantad si Araceli dahil sa takot. Umuwi siya sa Bacolod dahil namatay ang kanyang ina. Sa kanyang pagbalik nabalitaan niya na wala pa rin linaw ang kaso ni Larry. Naawa ito sa pamilya sa kawalang hustisya sa pagkamatay ni Larry. Lumantad ito at sinabi ang nalalaman.
April 21, 2008. ng sinampahan ng kasong Murder sina Brgy. Captain Felicismo Arnesto, Brgy. Tanod Samson David, Jesus Ortega at Leo Nidea sa City Prosecution Office ng Pasay.
Sa ngayon isang preliminary investigation ang isinasagawa upang malaman kung merong probable cause para maisampa ito sa korte. Mabigat ang testimonya ng dalawang “eyewitness” na umano’y nagtuturo kay Kapitan Arnesto at sa kanyang mga kasamahan. Nais ko lamang sabihin na hindi naming pinangungunahan ang prosecutor sa kasong ito at ang mga taong inirereklamo ay “INNOCENT until proven guilty!”
PARA SA BIKTIMA NG KRIMEN o may legal problems tumawag sa 6387285 o 6373965-70 o magtext sa 09213263166 at 09198972854. Maari din kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City o mag-email sa tocal13@yahoo.com.