PAMBIHIRA! Naglahong parang bula ang P9 bilyong calamity fund kabilang dito ang P8 bilyon na Calamity Assistance and Rehabilitation Effort (CARE) na pondo para sa mga sinalanta ng sunud-sunod na bagyo sa Bicol region noong taong 2006. Nakakakulo ng dugo.
Balita natin, ginamit sa kandidatura ng mga hunghang na politiko noong nakaraang halalan para mamili ng boto ang pondo. Nag-file ng resolusyon si Senator Juan Miguel Zubiri, para imbestigahan ng Senado ang mga opisyal na sangkot sa umano’y mga anomalya sa pagdispalko ng pondo. Mula sa nasabing CARE fund, ay nairelease din ang may P770,000,000 na pondo para sa lalawigan ng Albay ngunit hindi nakarating sa mga proyekto at beneficiaries nito.
Matagal-tagal nang naipalabas ang pondo para sa mga sinalanta ng bagyong “Reming” na malawak ang pinsala sa Bicolandia. Pero hangga ngayon, hindi rin nakakaahon ang mga kababayan natin diyan dahil sa kawalanghiyaan ng kung sino mang pinagkatiwalaan sa pondo.
Sinisisi ang maling paggamit ng pondo ng Bicol CARE sa Department of Public Works and Highways at Department of Education. May mga alegasyon din na ginamit ang pondo sa malawakang pamimili ng mga boto noong nakaraang halalan noong Mayo 2007.
Ayon kay dating Gov. Fernando Gonzales ng Albay, pinakamarumi sa kasaysayan ng Albay ang eleksyon nung Mayo ng nakaraang taon. Talamak ang vote-buying. Batay sa pahayag na ito, naudyukan ang Malakanyang na simulan ang Bicol CARE Commission para busisiin ang mga akusasyon na ang pondong ipinalabas ay ginamit para pondohan ang kandidatura ng isang malakas at maimpluwensiyang lokal na opisyal.
“Mali ang desisyon na ilabas ang pondo noong panahon ng halalan. Sinubukan kong pigilin ang pagpapalabas ng CARE fund hanggang sa matapos ang halalan pero bigo ako,”Ani Gonzales.
Ibinulgar naman ni Oas Mayor Gregorio Ricarte ang ampaw na mga kalye at dike na tinustusan gamit ang P160 milyon pondo na mula sa Bicol CARE fund. Ayon kay Mayor Ricarte, dahil sa korupsyon parang buhangin na inanod lamang ng baha ang nasabing mga proyekto.