Happy birthday Mama Nene!
KALAHATI siya nang pinakamatagumpay na husband and wife team sa kasaysayan ng pagprodyus ng pelikula, ang mag-asawang nasa likod ng Sampaguita Pictures. Kasama ni Dr. Jose R. Perez, sila ang tinaguriang Star Builders ng dekada 50 hanggang 70, ang nagdiskubre sa mga hinangaang artista’t idolo tulad ni Gloria Romero, Susan Roces, Carmen Rosales, Amalia Fuentes, Eddie Gutierrez, Dolphy, Lolita Rodriguez, Paraluman, Barbara Perez, Eddie Garcia, Vilma Santos, Nora Aunor, Gina Pareño, German Moreno at marami pang iba. Kahapon ay nagdiwang ng ika-91 na kaarawan ang aking lola na si Azucena Vera-Perez, kung tawagi’y Mama Nene. Mahal na mahal ng kanyang pamilya’t mga kaibigan, siya’y tinitingala rin ng mundo ng pinilakang tabing sa kanyang hindi matatawarang kontribusyon sa industriya at sa lipunan.
Noong panahon ng kasikatan ng mga pelikulang Pilipino, bago pa man nauso ang magandang programming sa telebisyon, ang sinehan lang talaga ang puntahan ng tao upang makahanap ng kaunting aliw at matakasan ang mga suliraning binubuno. Sa mga pelikula ng Sampaguita, sila’y natawa, napaiyak, kumanta, sumayaw at umuwi ng bahay na magaan ang pakiramdam. Mga bidang marangal, mga kaugaliang maganda, mga himig at musika ng ating buhay, lahat ito’y naging bahagi ng kultura at humubog sa ating kasaysayan bilang Pilipino. Lahat ay akda ng kompanyang pinangunahan ni Mama Nene. Tulad na lamang ng mga imortal na awiting Dahil sa iyo, Maalaala mo kaya, Hindi kita malimot, atbp. na pawang ginawa ng mga Sampaguita Musical Directors para sa hindi malimutan at laging ginagayang mga pelikulang ganun din ang titulo. Ang mga hindi malimutang tambalang Rogelio-Carmen, Luis-Gloria, Susan-Eddie, Romeo-Amalia, Pepito-Rosemarie, Guy-Pip na tinularan ng bayan sa bihis, sayaw, dialogue at ugali. Halos lahat ng pangunahing artista, manunulat, direktor, at iba pang bumubuo ng produksyon ng mga kilalang movie companies sa ngayon ay produkto ng Sampaguita.
Karangalan kong matawag na apo ng aking lola. Isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng aming pamilya, ng industriya ng Pelikula at ng pagpayaman sa ating kultura bilang Pilipino. Happy Birthday Mama Nene!
- Latest
- Trending