KAHAPON ay nagtaas na naman ng P1 ang presyo ng petroleum products. At tiyak na ang pagtataas ay magpapabago rin sa mga presyo ng pangunahing bilihin kabilang ang bigas. Kapag umangat ang presyo ng gas, awtomatik ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin.
Marami beses nang nagtaas ng presyo ng gasolina, diesel at liquefied petroleum gas (LPG) at hindi pa raw titigil sa pagtaas. Walang nakaaalam kung hanggang saan ang pagtataas.
Mahiwaga naman ang sunud-sunod na pagtataas na para bang niloloko na ang sambayanan ng tatlong malalaking kompanya ng langis. Sino ba ang nakaaalam kung talaga nga bang makatwiran ang sunud-sunod na pagtataas? Alam ba ng sambayanan kung totoo nga bang nalulugi sila? Ang sambayanan ay walang alam diyan? Katulad din iyan ng isyu sa mataas na singil sa kuryente na kung anu-anong mga charges ang ikinakarga sa consumers.
Sa sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng petroleum products ay wala namang makitang pagsisikap ang Department of Energy kung paano mapipigil ang pagtataas. Walang ginagawang hakbang kaya naman nagugulantang na ang sambayanan. Noong nakaraang linggo ay dalawang beses nagtaas. Katataas pa lamang ay biglang nagtaas uli ng P1 kinabukasan.
Sa ganitong kahigpit na sitwasyon na ang mamamayan ang masyado nang nahihirapan sa pagtataas ng petroleum products, maitatanong kung mayroon pa bang silbi ang Republic Act 8749 o ang oil deregulation law. Ginawa itong batas noong 1996 para ma-deregulate ang presyo ng petroleum products pero hindi ganyan ang nangyari. Lalo pang naging marahas ang tatlong dambuhalang kompanya at walang patlang ang pagtataas. Sa pagkakatatag din ng RA 8749 nagsimulang pumasok ang ilang oil companies at nakipagsabayan sa tatlong dambuhala. Pero sa halip ngang bumaba ang presyo ay humataw pa nang todo.
Inutil ang RA 8749 at walang naitulong para mapababa ang presyo ng petroleum products. Kung hindi pa gigibain ang batas na ito, marami pang pasakit na ipapataw sa mga balikat nang mga kawawang mamamayan. Buwagin na kung bubuwagin.