IBANG-IBA talaga kapag nagalit si Inang kalikasan. Dito natin mauunawaan kung gaano lang tayo kaliit sa mundong ito at kung gaano tayo kawalang-kapangyarihan.
Sa Myanmar isang malakas na bagyo ang tumama at nagdulot ng mga malalaking alon na nagpalubog ng ilang bahagi ng bansa. Maraming namatay at marami pa rin ang nawawala. Ang masama pa, ang gobyerno ng Myanmar na isang military junta ay nagmamatigas papasukin ang lahat ng tulong mula sa ibang bansa, sa takot na sila’y tatanggalin sa kapangyarihan. Di na baleng magkandamatayan ang kanilang mga mamamayan, huwag lang sila mawala sa puwesto at maparusahan para sa mga krimen nito at napakaraming paglabag sa karapatang pantao.
Sa China naman, isang malakas na lindol ang nangyari sa timog-kanlurang bahagi ng malaking bansa, kung saan lampas 10,000 ang namatay, karamihan mga matatanda at kabataan. Nahihirapan naman ang militar ng China makapunta sa mga masasamang tinamaan ng lindol dahil barado ang mga kalsada ng iba’t ibang uri ng sirang gusali. Hindi rin nakakatulong ang lagay ng panahon para makalipad ang mga helicopter ng People’s Liberation Army. Napakahirap ng sitwasyon para sa mga buhay pa ngunit hindi maabot ng kaagad na tulong. Siguradong marami pa ang natabunan ng mga sirang gusali’t hindi pa nakikita, kaya ang bilang ng mga patay ay siguradong tataas pa.
Sa America naman, panahon naman ng mga buhawi na pumatay na ng higit 20 katao, at nagdulot ng malalaking danyos sa ilang komunidad. Dito sa atin, papalapit na ang panahon ng mga bagyo. May mga dalubhasang nagsasabi na malaki ang posibilidad na malalakas ang mga parating na bagyo gawa ng pagbabago ng klima ng buong mundo. Nandiyan na naman ang mga baha, landslide, at mga magtutumbahang billboard na siyempre, ningas-kugon lang ng MMDA ang pagtanggal sa iilan noong bagyong Senyang. Mga hukay sa kal ye na hindi pa tapos ay magdadagdag lang ng hinagpis sa mga motorista, lalo na kapag nagsimula na ang pasukan sa Hunyo! Mabuti sana kung nakakatulong ang mga larawan ng kanilang diyos na si Chairman Bayani Fernando! Kung sa mga kabangisan ni Inang kalikasan wala ta yong magawa, dapat naman sana may mga programa tayong maaayos para kung sakaling dumating nga ang panahon na tatamaan tayo ng galit, may magagawa tayo para sa mga maaapektuhan man lang. Ganun tayo kaliit at walang kapangyarihan kumpara sa kalikasan.