EDITORYAL – Kailan matatapos ang paghahanap kay Jonas Burgos?
ISANG taon na ang nakalilipas mula nang puwersahang kunin si Jonas Burgos ng mga lalaking mukhang sundalo habang kumakain sa Hapag Kainan restaurant sa Ever Gotesco sa Commonwealth, Quezon City. Isang taon nang pagod na pagod ang ina, kapatid at kamag-anak ni Jonas pero walang makitang liwanag. “Lahat ng pagsisikap ay aming ginawa para matagpuan buhay o patay ang aking kapatid pero mailap ang hustisya,” sabi ng kapatid ni Jonas. Si Jonas ay anak ng namayapang beteranong journalist na si Joe Burgos.
Lumalabas ang tunay na nangyayari sa ban sang ito. Mailap ang hustisya sa mga puwersahang dinukot at pinatay. Hindi lamang ang mga kamag-anak ni Jonas ang nakaranas ng ganito kailap na hustisya kundi marami pa. Hindi na nila alam kung buhay pa o patay na ang dinukot na kamag-anak.
Malakas naman ang kutob ng ina at mga kapatid ni Jonas na buhay pa ito. Magpapatuloy daw sila sa paghahanap kay Jonas. Hindi raw sila titigil hangga’t hindi ito nakikita. Si Jonas ay miyembro ng Alyansang Magbubukid ng Bulacan at sa panahong siya ay dukutin ay nagtuturo siya ng organic farming sa mga magsasaka sa Bulacan.
Habang patuloy ang Burgos family sa paghahanap, mas malakas naman ang pagtanggi ng military na may kinalaman sila sa pagkawala ni Jonas. Wala raw silang kinalaman. Wala sa kanilang custody si Jonas.
Noon pa ay ganito na ang sinasabi ng military kahit may mga ebidensiyang ipinakikita na ang sasakyang ginamit sa pagdukot ay nakita sa kampo ng mga sundalo sa Norzagaray, Bulacan.
Maraming sumisigaw ng hustisya pero walang makarinig. Maraming bumulagta sa talahiban, tabing ilog, palayan, tabing kalsada, pero hanggang ngayon, patuloy na mailap ang hustisya.
Maging ang mga dayuhang grupo at organisasyon ay kinokondena ang mga nangyayaring pagpatay sa bansa. Hinihiling nilang kumilos ang gobyerno para mapigilan ang mga pagpatay pero ang panawagan ay hindi marinig ng kinauukulan.
- Latest
- Trending














