MADALAS mapagbintangan ang media na pinag-iinitan ang pulis. Na masyado naman daw ang pagpuna sa pulis at mga maling ginagawa nito. Pero sa gusto naman ng lahat ng media, kasama na ako, na purihin ang pulis para sa mga magagandang nagagawa nito, may insidente pa ring magbibigay mantsa sa imahe ng PNP — walang mintis talaga.
Ang tinutukoy ko ay ang pagkakatakas NA NAMAN ni Pedro Rodica mula sa kamay ng mga pulis. Si Rodica ay isa sa pinaka-wanted na kriminal sa Pilipinas. Ang mga krimen nito ay pagnanakaw sa mga money changer at pati pagpatay. Mga dating sundalo at pulis ang mga miyembro ng grupo ni Rodica kaya marurunong kumilos at alam din ang kilos ng PNP.
Pero kung alam na ng PNP ang kanilang kupkop na preso, at may kasaysayan na nga ng pagtakas sa tulong ng mga kasama nito, bakit naulit pa?! Ni walang barilang naganap. Basta na lang daw pinahinto ang van, tapos kinuha na si Rodica.
Nakapagtataka naman at alam naman natin na mahilig makipagbarilan ang PNP sa mga kriminal — tulad ng kasong Kuratong Baleleng, yung nangyari sa Del Pan bridge, sa flyover ng Ortigas Center at sa Commonwealth Ave. Eh sa mga iyan, patay lahat ng kriminal, may mga nadamay pang mga sibilyan. Kung alam na nakatakas na dati itong presong ito, bakit kakaunti lang ang mga escorts? Sabihin nang malilikot ang mga isip natin, pero hindi maiiwasan talaga tanungin kung kasabwat ang escorts ni Rodica ang pagpapatakas dito. Ang usapan ngayon ay gustong makuha ng kanyang mga kasamahan ang halos P100 milyon — na umano’y nakuha sa kanilang pagnanakaw. Kaya walang humpay ang pagpapatakas sa kanya kahit nasa kamay na ng mga awtoridad.
Ipinagyabang pa ng PNP sa media ang muling pagkakahuli sa kanya. Pero mukhang nagsilbi lang itong impormasyon sa mga kasa mahan niya para planuhin muli ang kanyang pagtakas. Hindi ako magtataka na sa muling paglutang ni Rodica, eh baka hindi na kailanganin ang pulis kung makuha at mapagparte-partehan na ng mga kasamahan ni Rodica ang itinagong pera.
Kaya paano naman tayo, bilang mga mamamayan, makukumbinsi na hindi nagkukulang ang mga pulis sa mga tungkulin nila? Paano mababago ang imahe ng pulis sa mata ng ordinaryong mamamayan — na sila’y mapagkakatiwalaan, na sila’y tapat sa tungkulin, na imbis na kabahan ka kapag nilapitan ng pulis ay ligtas ang pakiramdam mo sa lahat ng sakuna at masasamang intensyon? Tanungin n’yo lang si Jun Lozada kung sasama pa siya sa pulis na susundo sa kanya kung saan man. Kaya’t huwag na sanang nagbabalat-sibuyas si Gen. Avelino Razon kapag sinasabing nakakawalang-gana at hindi talaga mapagkatiwalaan ang mga pulis. Kasi kahit naniniwala rin ako na may mga tuwid at tapat sa tungkulin — mga buhay na bayaning maituturing at dapat putungan ng mga korona — ay bakit tila mas marami ang tiwali?
Malaki ang kailangang gawin ng PNP para mabago at gumanda ang imahe nila sa tao. Hindi ito magagawa ng mga pampapoging billboard sa bukana ng Crame. Kailangang maturuan muli ang lahat ng pulis na gumalang sa tao, at hindi kabaliktaran. Kailangan ay mga kriminal ang matakot sa pulis at hindi ang mga inosenteng mamamayan ang nangangatog pag nilapitan ng pulis. Kailangan tungkulin ang nangingibabaw at hindi ambisyon. Kung hindi, lalong madadagdagan lang ang hanay ng mga kasama ni Rodica. Kung sabagay, mas mainam na rin si Rodica. Dati siyang pulis na naging kriminal. At least siya’y nagpakatotoo.