PAPASOK PA LAMANG SA AKING OPISINA ang lalaking ito ay napansin ko na paika-ika ang kanyang paglakad at tabingi ang kanyang mukha. Siya ay dahan-dahang umupo sa aking harapan at ipinatong ang dala niyang makapal na plastic envelope.
Biktima daw siya ng tangkang pagpatay matapos siyang pagbabarilin ng apat na beses gamit ang isang 9mm pistol. Bugbog sarado ang kanyang katawan dahil sa tama ng mga bala.
Inilabas niya mula sa kanyang plastic envelope ang makapal na mga dokumento na may kaugnayan sa kasong kanyang isinampa.
Sa unang tingin akala mo ay malayo na ang tinakbo ng kanyang kaso dahil sa kapal ng kanyang mga papeles. Nagkamali pala ako.
Higit pa sa mga sugat na kanyang tinamo ramdam ko ang kanyang panlalambot dahil mukhang “demoralized” itong mamang kinakausap ko. Bakit naman hindi. DISMISSED ang kasong kanyang isinampa sa Prosecutor’s Office ng Quezon City.
Sa kabila ng lahat ng ito ay buo pa rin ang kanyang loob na ipagpatuloy ang paghahanap ng hustisya sa mga taong nasa likod ng kanyang mga pagdurusa.
Basahin natin ang kwento ni Pedrito De Guzman ng Dasmariñas Cavite.
Maaga pa lang ay umaalis na ng bahay si Pedrito para mamasada. Siya ay ilang taon ng driver ng Alex Cleo Taxi na may plate number na TWN 902.
Agosto 28, 2004, akala niya ay matatapos ito gaya ng ibang ordinaryong araw. Sa hindi inaasahang pangyayari isang brutal na insidente ang magaganap na muntik na niyang ikamatay.
Alas nuebe ng gabi sa panulukan ng Gilmore Street at Aurora Boulevard sa Quezon City ay nakagitgitan ni Pedrito ang isang puting sasakyan.
Sila ay nagkapalitan ng salita. Nagmuestra itong si Pedrito sa kanyang kamay ng inilabas nito sa kanyang bintana sabay sabing “lumipad ka…”
Hinabol siya ng kotseng kagitgitan niya at mas lalong nainis umano ang mga taong lulan nito ng parang naghahamon na kinaskas ni Pedrito ang dala niyang taksi. Nang magkadikitan sila pinaputukan si Pedrito ng taong nasa passenger seat nung kotseng puti.
Ilang minuto din tumagal ang habulan hanggang sa siya ay nasukol sa may Cubao. Nataranta siya. Hindi niya alam ang gagawin. Trapped siya sa loob ng kanyang taxi at alam niyang kapag hindi siya kumilos ay mamatay siya.
Buong lakas loob niyang binuksan ang pintuan ng kanyang taxi at tumakbo ngunit mas mabilis ang bala ng baril nung lalaki. Tinamaan siya sa likod at bumagsak siya sa aspalto sa gilid ng kalsada ilang metro lamang ang layo sa kanyang taksi.
“Nung hinahabol ako may dumaplis ng bala sa aking kaliwang sentido. Mabilis ang mga pangyayari. Naalala ko na lamang na may bumabang isang mataas na lalaki na nakasuot ng light colored polo-barong na lumapit sa akin at pinagbabaril ako,” kwento ni Pedrito
Nawalan daw siya ng malay. Nagising na lamang si Pedrito ng siya ay nasa isang hospital room na may nakakabit na ilang aparato sa kanyang katawan.
Si Pedrito ay 31 taong gulang. Siya ay may asawa at tatlong pinag-aaral na mga anak. Pagmamaneho ng taxi ang tanging kanyang pinagkakakitaan. Sa ganung paraan kahit paano ay napagkakasya niya ang kanyang kinikita para matustusan ang kanilang pangangailangan.
Sa kanyang pagkakahiga sa kanyang hospital bed ay ramdam niya ang bawat kirot ng kanyang mga tinamong sugat hanggang sa nasabi na lamang niya sa kanyang sarili ang “Diyos ko! Makakamit ko ba ang hustisya sa nangyaring ‘to sa akin? Pasalamat na lang ako at inagaw ako mula kay kamatayan…”.
Napapikit na lamang si Pedrito at patuloy na nagdasal. Ang segundo ay naging minuto, ang minuto naging oras. Ang oras naging araw at ang araw ay naging linggo.
Ang hiling lang ni Pedrito de Guzman ay mabigyan ng katarungan ang pamamaril na ginawa sa kanya ng suspek. Teka, hindi pa nga niya alam kung sino itong taong namaril sa kanya.
Lumipas pa rin ang ilang araw ng mapansin ni Pedrito na dahan-dahang bumukas ang pintuan. Isang lalake ang pumasok at nang magkatinginan sila sinabi nito ang mga katagang.
“Ako si Raymond Vargas. Magandang araw sa iyo. Mabuti naman at nagising ka na. Nakita ko ang buong pangyayari. Nakita ko ang taong bumaril sa iyo,” pahayag ng lalake.
Biglang napataas ng konti ang ulo ni Pedrito mula sa kanyang kinahihigan. Napatingin sa kisame na parang tiningala ang langit. Sinabi niya sa kanyang sarili, “maraming salamat Diyos ko at dininig mo ang dasal ko…”
Dahan-dahang lumapit sa kanyang kama itong taong nagpakilalang si Raymond Vargas, hinawakan ang braso ni Pedrito at mahinahong sinabi sa kanya.
“Nakita ko ang lahat at handa akong tulungan ka. Kung kailangan kong tumestigo gagawin ko upang mabigyan ng hustisya ang sinapit mo,” ayon kay Raymond.
Nagkatinginan sila at katahimikan ang bumalot sa loob ng kwarto sa ospital ni Pedrito. Tumulo ang luha ni Pedrito mula sa kanyang mga mata habang nakangiti siyang tiningnan ni Raymond.
SA MIYERKULES…ABANGAN ang pagpapatuloy ng storya ni Pedrito at ang iba pang detalye sa kasong ito. Eksklusibo dito lamang sa “CALVENTO FILES sa PSNGAYON.”
Para sa inyong mga COMMENTS o REACTIONS ay maaring tumawag sa 6387285 o 6273965-7. Maari din magtext sa 09213263166 at 09198972854. Maari din kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City o mag-send ng Email sa hustisya.lahat@yahoo.com