ANG kasong ito ay tungkol sa lote bilang 668 at 669 ng Culiat, Quezon City na parte diumano ng tinatawag na “Piedad Estate”. Sa kanilang binagong reklamo, nagdemanda ang 72 occupants ng lupa laban sa GICI, isang planta ng yelo na rehistradong may-ari ng mga titulo bilang N-140441, 14399, RT-94384, RT-94794, at 2292247. Hiningi nila na isantabi ang nasabing mga titulo pati na rin ang pinagmulan nito, ang OCT 614. Wala raw anumang dokumento o rekord na makapagpapatunay kung paano ito nagpasalin-salin. Malaking misteryo raw ang bumabalot dito dahil walang ebidensiyang makapagpapatunay kahit pa sa nangyaring pagpapatitulo ng OCT 614. Hiningi nila na sila ang ideklarang legal na occupants ng lupa alinsunod sa batas (“Friar Land Act”). Mula raw sa umpisa ay sila na ang tahimik na nakaposesyon sa lupa bilang mga may-ari.
Ang ginawa naman ng GICI, hiningi nito sa korte na isantabi ang reklamo ng mga nagdemanda. Wala raw silang karapatan dahil hindi naman sila ang tamang partido o ang tinatawag sa batas na “real parties-in- interest” na dapat magsampa ng kaso. Hindi pinansin ng korte ang kanilang mosyon, ngunit nabaliktad ito nang mag-apela ang GICI sa Court of Appeals. Tama ba ang Court of Appeals?
TAMA. Sinasabi ng mga nagreklamo na magmula pa sa umpisa ay sila na ang mga legal na occupants ng lupa ayon sa batas (“Friar Lands Act”). Ngunit hindi naman nila nilinaw kung gaano katagal at kung kailan ito nagsimula. Sa kanilang pangalawang reklamo, hindi rin nila hinihingi na ituring silang may-ari ng lupa. Ang gusto lang nila ay ituring bilang mga legal na occupants. Samakatuwid, kinikilala na maaring gobyerno pa rin ang tunay na may-ari ng lupa kung sakali mang may depekto and titulo ng GICI.
Malinaw na wala silang karapatan na magdemanda. Hindi sila maituturing na tamang partido o “real parties-in-interest”. Tama ang Court of Appeals nang sabihin nito na ang gobyerno lamang sa pamamagitan ng Solicitor General ang maaaring magsampa ng reklamo upang ungkatin ang legalidad ng nasabing mga titulo.
Ang tinatawag na “real party-in-interest” ang taong masasaktan o mapapaboran ng magiging desisyon sa kaso o ang taong dapat magkaso ayon sa batas (Rule 3, Section 2, Rules of Court). Dapat linawin kung ang interes na sinasabi rito ay direktang matatanggap sa magiging desisyon o inaasahan pa lamang. Dapat ding personal ito sa taong sangkot.
Kung susuriing mabuti at kung paniniwalaan ang mga nagdemanda, gusto nilang isantabi ng korte ang mga titulo ng GICI at ibalik ang lupa sa gobyerno. Umaasa lamang sila na kung mapapawalang-bisa ang mga titulo ay magkakaroon sila ng karapatan dito bilang mga naunang occupants sa batas (“Friar Lands Act”). Ngunit hindi ito ang personal na interes na hinihingi sa korte. Ang gobyerno lamang ang tamang partido na dapat magsampa ng kaso dahil may mas higit itong karapatan na pag-interesan ang nasabing usapin (Canete et. Al. vs. Genuino Ice Company Inc., G.R. 154080, January 22, 2008).