Hugas-kamay, buhat-bangko
NAKAPAGTATAKA nga talaga na kung kailan walang pasok ang karamihan ng mga paaralan, tila hindi naman gumaan, at parang lalo pang sumama ang trapik sa Kamaynilaan, partikular sa EDSA. Nitong mga nakaraang araw, matindi ang paghihirap ng mga motoristang kailangang bumabaybay ng pangunahing kalye na ito. Halos hindi gumagalaw ang daloy ng trapiko. Ang pinagmamalaking 45-65 kilometro kada oras na bilis ng takbo daw sa EDSA ayon sa MMDA ay tila alamat lang. Pero siyempre, hindi aaminin ng santo papa ng Metro Manila na ang tanggapan niya at ang kanilang mga patakaran at panukala ang may sanhi ng masamang trapik sa siyudad ngayon.
Tulad ng dati, sinisisi ang lahat, lalo na mga drayber. Dahil sa mabilis na nga RAW ang takbo sa EDSA, mas maraming drayber and naaaksidente. Kung ganun pala, walang silbi ang mga traffic enforcers pala na nagkalat sa lansangan! At maraming sasakyan DAW ang tumitirik sa kalye kaya nagbabara ang daloy ng trapik. Kung ganun pala, walang silbi ang mga ginawang emergency bays na nagkalat sa kahabaan ng EDSA! Lahat na lang kasalanan ng iba. Palibhasa hindi nila nararamdaman ang trapik dahil may mga sarili silang mga “hawi boys” na hagad at bodyguards. Hindi kaya nakadadagdag sa trapik iyan kapag kailangang umiwas ang mga ordinaryong sasakyan para makadaan lang sila? Manggigitgit para makadaan? At ang mga U-turn na iyan, katulad ng sa interseksyon ng EDSA at Santolan. Binalik na rin nila sa traffic light mode dahil lalong nakasama lang ang U-turn na iyan. May mga ilang u-turn pa na kailangang tanggalin na rin dahil lalo lang nakasama sa trapik tulad ng sa kanto ng EDSA at Timog/East Avenue! At ngayon, elevated U-turn naman sa C-5/Kalayaan na marami na ang nagsabi na hindi naman makakatulong! Pero hindi naman nakapagtataka kung paano gumastos ang MMDA. Kailangan mo lang tumingin sa mga larawan ng diyos nilang si Chairman Ba- yani Fernando na nagkalat sa mga poste ng lahat ng flyover sa Metro Manila!
Kung may isang ahensiya na pwedeng halimbawa kung ano ang administrasyong ito, ito na ang MMDA. Lahat ng kilos ay tama, hindi aaminin ang mali at hindi makikinig sa tinig ng mamamayan. Lahat paglalarawan ng isang pinunong mala-diktador ang pananakbo.
Huwag na tayong magtaka kung bakit kahit sumigaw hanggang mapa os, wala ring pagbabagong mangyayari, dahil sa isip nga nila, hindi sila nagkakamali. Magagaling maghugas ng mga kamay at magbuhat ng sarili nilang mga bangko.
- Latest
- Trending