KAARAWAN…ISANG OKASYON KUNG saan dapat ay puno ng kasiyahan, kamustahan at pagkakaibigan. Walang lugar para sa mga taong gulo ang pakay. Hindi ko maintindihan kung bakit meron mga taong pupunta sa isang kasiyahan, makikipag-inuman at pagkatapos kapag may tama na ng espiritu ng alak away na ang hanap.
Sa halip na itulog na lamang ang nararamdaman dahil nga may tama na sila pilit na manggugulo at ang katapusan ay isang malagim na insidente ang kahihinatnan.
Nagtungo sa aming himpilan itong si Ananios Alejandro alyas “Tarzan” nanlulumo at ‘di mapigilan ang pag-iyak habang binabahagi sa amin ang pangyayaring sinapit ng kanyang anak na si Manuel Alejandro “Manny” ng Solid Cement Tagbak Valley Antipolo, City.
Si Manny 35 anyos, hindi nakatapos sa pag-aaral, may asawa at pa extra-extra lamang sa trabaho.
Inilapit sa amin ang pagpatay umano ni Bernard Nicolas alyas “Othoy” sa kanyang anak na si Manny.
Ayon sa sinumpaang salaysay ng kanilang testigo na sina Francisco Ramos sa Antipolo City Police noong Pebrero 27, 2006 ganito ang mga sumunod na pangyayari.
Noong ika-26 ng Pebrero 2006 bandang alas-11:30 ng gabi sa Sitio Buhanginan, Brgy. San Jose, Antipolo City kung saan sila naimbitahan ni Jennifer Mata anak ng konsehal sa nasabing lugar dahil kaarawan niya.
Tatlong mesa silang nag-iinuman kasama si Manny at dumating itong si Othoy at umupo kasama nila. Nandun din sina Mardy Cayabyab, Gener Gonzales, Jerome Tubig, Efren Guerrero na pawang mga barkada ni Manny.
Sa hindi nasabing dahilan biglang uminit ang ulo ni Bernard o Othoy kay Manny at sinuntok niya ito. Habang tumatagay itong si Manny ng inumin, tinamaan siya ng kamao ni Othoy.
“Bigla ko na lang nakita na sinuntok sa mukha at sinapak ni Othoy itong si Manny. Hindi naman ito lumaban at naawat ng kabarkada,” ayon kay Francisco.
Pagkatapos ay naunang umalis itong si Othoy at umuwi sa bahay nila.
Ayon naman kay Mardy na kasama sa inuman ni Manny nung gabing may nangyari sa kanya ganito ang mga sumunod na pangyayari.
Base sa sinumpaang salaysay na ibinigay din sa mga pulis nung pahayag ng kapitbahay na si Mardy dahil ito ang kasabay ni Manny pag-uwi.
“Umihi lang ako sandali sa pader doon mismo sa daanan ngunit sa aking paglingon nakita ko si Othoy na may hawak na baseball bat tapos pinalo itong si Manny. Tinamaan sa batok si Manny at agad na bumagsak sa kalsada. Natulala akong bigla at nagmamadaling tumakbo sa bahay nila Manny,” ayon kay Mardy.
Bandang alas-2:45 ng madaling-araw, sa bahay naman ng mga Alejandro ay bigla na lang silang narinig na sumisigaw si Mardy. Kasunod nito si Jennifer at si Arnold.
“Auntie Erna…Auntie Erna…” nagmamadaling namang lumabas ang nanay ni Manny at nagtanong “bakit anung nangyari?”
Bigla na lamang sinabi nitong si Jennifer “Si Manny patay na!”
Nagulat ito sapagkat hindi naman nila alam na umalis itong si Manny at kung saan nagpunta ang kanyang anak. Napaupo daw itong si Erna sa lupa at parang nagmaktol at nagngangawa sa pagkamatay ng kanyang anak.
Agad din lumabas itong si Tarzan upang alamin kung tama nga ang kanyang narinig. Ang asawa naman nitong si Manny na si Cecilia ay nag-umpisang maging hysterical ng sabihin nga sa kanilang lahat nitong si Jennifer ang malungkot na balita.
Hindi naman sila ng aksaya ng panahon at pinuntahan nila ang lugar na pinangyarihan ng krimen. Pagdating nila doon may nakapagsabi na dumating na ang mga pulis at dinala na itong si Manny sa hospital.
Agad silang nagmadali at nagtungo sa Antipolo Community Hospital. Pagdating nila dun ay kinausap sila ng pulis na at sinabing dadalhin na ito sa morgue. Inimbitahan din sila sa presinto upang kunan pahayag at pormal na magreklamo ukol sa mga pangyayari.
“Buhay na buhay siya ng akin siyang makita. Wala kaming alam na kaaway ang anak ko at dahilan upang ito’y patayin ng basta ganun na lamang. Hanggang ngayon hindi naming maisip na wala na siya. Masakit para sa aming lahat at sana’y matulungan kami na makakuha ng hustisya sa sinapit niya,” sabi ni Tarzan na ang boses ay malapit ng bumigay.
Sa tulong ng mga pulis ng Antipolo ay sinampahan ng kasong Murder itong si Othoy o Bernard Nicolas. Hindi nila matanggap ang sinapit ng kanyang anak at nais nilang makamit ang hustisya nagsampa sila ng demanda laban sa pumatay na si Bernard Nicolas.
Nang malaman na may demanda laban sa kanya itong si Othoy bigla na lamang itong umalis sa Antipolo.
Duwag ang pamamaraan ng pagpatay na ginawa nitong si Othoy kay Manny. Pataksil dahil nakatalikod siya at hindi man lang nadepensahan ang kanyang sarili. Isang kaduwagan din ang ginawa nitong pagtakas sa kaso na kanyang kinasangkutan.
Dahil hindi pa nga lumalabas ang warrant of arrest laban dito ay malayang gumagala-gala itong si Othoy sa lugar nila. Nakikiusap naman itong si Tarzan sa Prosecutor na may hawak ng kaso na madaliin naman ang paggawa ng resolusyon.
Para sa PATAS at BALANSENG PAMAMAHAYAG ay iniimbitahan naming si Bernard Nicolas para magbigay ng kanyang panig tungkol dito.
Para sa inyong mga COMMENTS o REACTIONS ay maaring tumawag sa 6387285 o magtext sa 09213263166 at 09198972854. Maari din kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Maari din kayong mag Email sa tocal13@yahoo.com.
“HUSTISYA PARA SA LAHAT AND CALVENTO FILES” is in need of female staffers. A Mass Communication graduate from 21 to 28 years old. Proficient in English and tagalog with pleasing personality. For interested parties please contact Ms. Jezza Balmeo at 6387285.