Kaso ng naka-time deposit

SI Jimmy at ang asawang si Bessie ay nagbukas ng isang foreign currency time deposit sa sangay ng Citibank sa Manila noong 1991. $10,000.00 ang halaga nito at idineposito ang pera sa loob ng 360 araw sa interes na 5.25% kada taon. Kung hindi nila kukunin ang pera sa itinakdang petsa, awtomatikong uulit ang time deposit. Ang sertipikasyon na nagsisilbing katibayan ng deposito ay nakapangalan kay Jimmy at/o kay Bessie at ang nakasulat nilang tirahan ay 600 Huron Ave., San Francisco, California.
Noong 1993, matapos magdiborsiyo sina Jimmy at Bessie, nagbukas ng isa pang account si Jimmy sa sangay ng Citibank sa San Francisco. Ipinakiusap din niya sa manedyer ng nasabing sangay na gawin ang kaukulang paglilipat ng pera mula sa kanyang time deposit sa Manila at ang pagsasama nito sa kanyang deposito sa San Francisco. Bilang pagsunod, nagpadala naman ng sulat ang manedyer ng San Francisco sa manedyer ng Manila na may petsang Marso 24, 1993. Nagpadala rin ng “fax” ng kopya ng nasabing sulat noong Abril 27, 1993.
Sinagot naman ito ng manedyer ng Manila sa pamamagitan ng sulat nito noong Mayo 5, 1993. Ayon sa manedyer, hindi na nila masusunod ang gusto ni Jimmy dahil naunahan na siya ni Bessie sa pagkuha sa nasabing deposito. Kinuha ni Bessie ang pera noong Mayo 3, 1993. Tulad ni Jimmy, nagbukas din ng panibagong dollar account si Bessie ngunit ito naman ay sa Citibank-Manila at dito nilipat ang pera. Sa sulat din ng manedyer noong Pebrero 2, 1995, ipinaliwanag niya na natanggap nila ang orihinal na sulat mula sa San Francisco noon lamang Mayo 4, 1993 o isang araw matapos makuha ni Bessie ang pera. Isa pa, upang masiguro ang proteksiyon ng mga kliyente nito, hindi sila tumatanggap ng mga kopya ng sulat sa pamamagitan ng fax dahil di naman nila nasisiguro kung tunay nga ang pirma ng nakalagda.
Noong Abril 3, 1995, idinemanda ni Jimmy ang Citibank-Manila pati na rin ang kanyang dating asawa para sa danyos at upang ibalik nila ang halagang $10,921.85 na halaga ng deposito, interes at gastos sa abogado. Madaya raw ang ginawang paglilipat ng pera dahil kung tutuusin ay nauna naman si Jimmy sa pagpapalipat ng account.
Ayon naman sa Citibank-Manila, wala silang natatanggap na fax. Pangalawa, natanggap nila ang orihinal na sulat noong Mayo 4, 1993 sa pamamagitan ng kartero. At dahil nakasaad sa kontrata na “and/or”, ibig sabihin ay maaaring si Jimmy lamang o si Bessie lamang, o kaya ay kahit sino ang puwedeng kumuha ng pera. Tama ba ang sangay ng Manila?
MALI. Kahit anong tanggi pa ang gawin ng Citibank-Manila, hindi pa rin mapapasubalian na sa sulat nitong may petsang Pebrero 2, 1995, inamin nito na hindi naaaksyunan ang mga papeles na finax lamang dahil sa hindi rin naman alam kung totoong pirma ng mga taong sangkot ang nakalagay sa sulat.
Mabigat ang naging pagkakamali ng manedyer at hindi ito maaaring basta hayaan na lamang. Hindi basta kliyente kundi ang mismong ma nedyer ng sangay ng San Francisco ang sumulat sa sangay ng Citibank-Manila.
Maraming makabagong teknolohiya ang naiimbento tulad na lamang ng mga “fax transmissions” na puwedeng gamitin sa ating modernong panahon. Mas madali na para sa atin ang magpadala ng impormasyon mula sa isang banko tungo sa sangay nito sa ibang bansa. Sa kabila nito, hindi pa rin inaksyunan ng sangay ng Manila ang fax na natanggap mula sa San Francisco. Kahit papaano, dapat na itinigil na muna ng Citibank-Manila ang anumang transaksiyon na may kinalaman sa nasabing time deposit hanggang malinawan ang tungkol sa fax na nagmula sa sangay ng banko sa San Francisco. Maliwanag na kapabayaan ang ginawa ng Citibank-Manila nang basta na lamang nito hayaang makuha ni Bessie ang deposito. Nararapat lamang na bayaran ng banko kay Jimmy ang halagang $10,921.85 o kaya ay ang katumbas nito sa piso ngunit hindi na ka sama rito ang nagastos sa kaso. (Citibank N.A. vs. Jimenez, G.R. 166878, December 18, 2007).
- Latest
- Trending