PITUMPUNG mamamahayag na ang napapatay mula noong 1986. At kamakalawa ay nadagdagan na naman ang listahan. Naidagdag sa listahan si Benefredo Acabal, 34, publisher at columnist ng Pilipino Newsmen, isang community tabloid sa Cavite. Pinagbabaril hanggang sa mapatay si Acabal ng isang lalaki noong Lunes dakong alas diyes ng gabi sa Pasig City. Namatay si Acabal dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ayon sa isang testigo, nakita niyang hinahabol ng isang lalaki si Acabal at binabaril hanggang sa bumagsak sa lupa ang mamamahayag. Mabilis na tumakas ang lalaki sakay ng motorsiklo. Isang sundalo ang nagsugod kay Acabal sa ospital pero dead on arrival na ito.
Parang manok lamang na pinapatay ang mga mamamahayag sa Pilipinas at isa na nga rito si Acabal na pang-72 na sa listahan ng mga bumulagta. Ang sunud-sunod na pagpatay sa mga mamamahayag ang naging dahilan para bansagan ang Pilipinas na ikalawa sa mga mapanganib na bansa para sa mga mamamahayag. Ang Iraq ang nangunguna sa mapanganib na bansa sapagkat doon ay masahol pa rin sa manok kung targetin at patayin ang mga mamamahayag.
Sa kabila ng mga sunud-sunod na pagpatay sa mga mamamahayag, wala namang magawang paraan ang pamahalaan para mahuli at maparusahan ang mga nasa likod ng pagpatay. May ilang nadakip pero nakapagdududa kung sila nga ba ang mga salarin. Walang maiturong utak sa pagpatay.
Ang pagpatay sa mga mamamahayag sa Pilipinas ay mariing kinondena ng mga dayuhang mamamahayag. Kabilang sa mga kumokondena ay ang New York-based Committee to Protect Journalists at ang French Reporters Without Borders. Binabatikos nila ang mabagal na pagkilos ng pamahalaan para maprotektahan ang mga mamamahayag.
Pinakamaraming napatay na mamamahayag noong 2006 kung saan umabot sa 12. Noong nakaraang taon, tatlo ang iniulat na napatay. Hanggang sa kasalukuyan pawang hindi nalulutas ang mga pagpatay. Natambakan na at inaagiw ang mga kaso. Ang mga kaanak ng napatay ay patuloy na sumisigaw ng hustisya. Tanong nila: Hanggang kailan sila maghihintay?