SABI ng Malacañang, walang kakulangan ng bigas. Ilang ulit na nilang sinabi ang ganito mula nang uminit ang isyu ukol sa krisis sa bigas. At para patunayan na walang krisis sa bigas, sunud-sunod ang ginawang pagsalakay ng mga kagawad ng National Food Authority (NFA) at National Bureau of Investigation (NBI) sa mga bodega na hinihinalang hino-hoard ang bigas. Natagpuan sa mga bodega ang talaksan ng saku-sakong bigas na binili sa ibang bansa.
Maski si President Arroyo ay sorpresang suma-ma sa pagbisita sa isang bodega ng bigas sa kanto ng Perdigon at Figueroa Sts. sa Paco, Manila at natagpuan doon ang maraming bigas na imported pa sa ibang bansa. Ang masama, ang mga bigas palang nakaimbak ay hindi dumaan sa Customs kaya lumalabas na smuggled. Hindi nagbayad ng buwis ang may-ari kaya malaking halaga ng pera ang nawala sa gobyerno. Hiningi ni Mrs. Arroyo ang Customs receipt at record books sa may-ari ng warehouse at walang maipakita. Nagpakita ng pagkainis ang Presidente. Okey naman daw bumili ng bigas sa ibang bansa pero ang mahalaga ay dumaan ito sa Customs.
Marami talagang bigas sa bansa, pero nabuking na ang mga ito ay smuggled. At ang masama pa, smuggled na nga ay iniimbak pa ng mga ganid na negosyante at saka ipagbibili sa mahal na halaga. Hindi lang doble o triple ang kanilang kinikita sapagkat hindi na nagbayad ng buwis ay ipagbibili pa nang mahal ang smuggled rice. Sobra na ang pagsasamantalang ito!
Ang rice smuggling ay matagal nang nangya-yari sa bansang ito. Nakapagtataka naman na ang pamahalaan ay tila ba kahapon lamang ipinanganak at hindi nalalaman ang talamak na smuggling ng bigas.
Walang problema sa bigas sapagkat nagtusak ito. Ang problema ay ang mga ganid na smuggler at negosyante na patuloy na kumikita habang marami ang nagugutom. Sana nga ay totoo ang sinabi ng gobyerno na mabibilanggo nang habambuhay ang mga nagho-hoard ng bigas. Hindi sana pawang pagbabanta lamang ito na makali-pas ang ilang linggo ay wala nang balita at nalimutan na. Ipakita ng gobyerno na totoo sila sa salita at gawa.