Hindi uubra kay Boysie mga pulis na iresponsable

MUKHANG mapupunta lamang sa wala ang pi­nag­sumikapang moderni­sasyon ni Manila Police District director Chief Superintendent Roberto “Boysie” Rosales kung ang ilang kapulisan niya’y patuloy sa pagiging ires­ponsable, he-he-he! Di pa nga napapasinayaan ang kanyang proyekto ay sinira na ang mga ito.

Nakatakda pa naman ang formal inauguration nito sa Abril 14 na dadalu­han ni Mayor Alfredo Lim ng Maynila, Philippine Na­tional Police (PNP) chief Dir. Gen. Avelino Razon, National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Dir. Geary Barias at mga matataas na opisyal di lamang sa Metro Manila kundi sa buong kapuluan.

Ayon sa nakarating na balita sa akin. nanggaga­laiti si Boysie matapos sirain ang dalawang SIM card ng Global Position­ing System (GPS) device ng dalawang mobile car ng anim na responsab­leng pulis. Hindi ko muna babanggitin ang kanilang mga pangalan. Lumihis siguro ng ruta ang mga ito kaya sinira nila upang hindi sila matunton.

Ngunit ang hindi nila alam, ang naturang de­vice ay recorded sa War Room ng MPD- District Tactical Operation Center (DTOC) kaya nang sila’y gumarahe, agad silang ipinatawag ni Boysie at pinagbubulyawan. Buti nga sa inyo!

Bagamat galit na galit si Boysie sa anim na pulis, nangibabaw pa rin ang pagka-propesyunal at sa halip na sibakin ay pinangaralan ang mga ito at tinuruan ng tamang pag-maintain ng naturang devices.

Kailangang ipaliwa­nag ng anim na pulis sa lahat ng kanilang mga kasamahan ang tamang pagmimintina ng natu­rang device at kailangang papirmahin nila ang bawat pulis na naturuan nila at agad na isumite kay Boysie bilang pa­tunay na sinunod nila ang ipinataw na kaparusahan. At oras na mag-matigas ay agad silang sisibakin at sasampahan ng admi­nistrative cases.

Tama lamang ang naging aksyon ni Boysie sa kanyang mga tauhan upang maging halim­bawa ng lahat ng kapuli­san sa MPD na maging responsable sa lahat ng bagay upang sa hinaha­rap ay matuto silang mangalaga. Get n’yo mga suki?

Maganda ang layunin ng modernisasyon na sinimulan ni Boysie kung pag-iibayuhin pa ito ni Mamang Pulis Razon na mapalawak sa buong kapuluan upang mapa­bilis ang pagresponde ng kapulisan sa kriminalidad. Di ba mga suki?

Nais din ni Boysie na ang lahat ng banko, de­partment store, money changers at ilang estab­li­simento sa Maynila, na ma­kipag-ugnayan sa kan­yang tanggapan upang makabitan sila ng monitor upang makatu­long sa seguridad ng kanilang negosyo.

Ang GPS kasi mga suki ay sattelite naviga­tion na may kapabilidad na ma-monitor ang loca­tion, speed, direction at oras ng mga naka-deployed na mga mobile patrol car kung kaya madaling makaresponde ang mga ito sa oras na may  krimen. Kaya hindi lulusot ang mga bulakbo­lerong pulis sa oras ng kanilang pagpa-patrulya sa kalye.

Kaya kayong mga iresponsable, matuto na kayong mangalaga ng di ninyo abutin ang lupit ni Boysie!

Show comments