SINIBAK na ni Agri Sec. Arthur Yap ang mga tiwaling opisyal ng NFA sa Isabela dahil sa eskandalo ng rice repacking sa lalawigan. Nakapanlulumo ang video footage na ipinalabas ng ABS-CBN. Kuha ng spy camera ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa operasyon nito sa Isabela. Nakita ang aktuwal na pagdedeliver ng NFA rice ng isang truck sa isang lugar at ang pagsasalin nito sa ibang sako para maibenta bilang commercial rice. Ayon sa CIDG nai-report na ito sa National Food Authority (NFA) pero hindi raw agad inaksyunan. Bakit po?
Naniniwala ako sa sinabi ni Agriculture Secretary Arthur Yap. We have an abundance of rice. Siguro pagsama-samahin na riyan yung inangkat mula sa Thailand at yung sarili nating ani. Pero ang mas importante ay ma-afford itong bilhin ng mga mahihirap nating kapwa Pinoy. Diyosme! Umaabot na sa P40 ang kilo ng espesyal na bigas habang hindi naman available yung para sa masa. Kahit sa programang Bitag ng ating kasamang kolumnis- tang si Ben Tulfo ay ilang beses nang ipinakita ang spy-video na nagpapakita sa pagnanakaw ng mga tiwaling negosyante. Unfortunately, nagpapasasa pa rin hangga ngayon ang mga rice hoarders. Sana, sa aksyon ngayon ng gobyerno’y matuldukan na ang anomalyang ito.
I’m sure hindi magugustuhan ni Sec. Yap ang nangyayaring ito. Mababale-wala ang mga magaganda niyang ginagawa para pataasin ang ani ng bansa. Ang lagay ba naman eh, yung may pera lang ang puwedeng magsaing at kumain ng kanin?
I believe the last bastion of Presidente Arroyo to save her leadership is the poor sector of society. Huwag nating pabayaang magutom ang mahirap na sector ng lipunan dahil kapag iyan ang nag-alsa, mas maalsa pa iyan kaysa bigas na laon. Baka (God forbid) madugong rebolusyon ang katumbas.
Natalakay na natin kamakailan ang iba’t ibang factors na nakakaapekto sa supply ng pagkain. Mga world factors na wala tayong kontrol. But at least, being an agricultural country, may inaani pa rin tayong bigas at iba pa ng halamang makakain. Salamat sa biyaya ng Diyos! Pero aanhin ang malaking supply ng pagkain kung hindi naman maaabot ng mga kababayan nating mahirap?
God gave the world ample provision for all people, rich or poor. Sana, sana lang, gumawa na ng epektibong hakbang ang gobyerno para sa kapakanan ng mga mahihirap. Pantawag pansin po ito sa gobyerno. Habang kulang ang murang bigas sa merkado, hindi natin pagsasawaang ulit-ulitin ito.
Uulitin ko, dapat nang gumamit ng kama- ong-bakal ang gobyerno laban sa mga hoarders ng bigas na marahang pumapatay sa mga kababayan nating mahihirap.
Kung hindi, iisipin ng taumbayan na mga taong gobyerno mismo ang sangkot sa katiwalian ng pandurugas ng bigas.