Rice crisis

NANGANGAMBA si Senate President Manuel Villar na baka ang nagbabadyang krisis sa bigas ay maging mas masahol pa sa eskandalo ng ZTE broadband deal kung hindi maagap na maaaksyunan. Aba eh natural! Sikmura ni Mang Juan ang namimiligro kapag nagkaroon ng kakulangan sa bigas o kaya’y tumaas ang presyo nito sa lebel na hindi na maaabot ng ordinaryong tao.

Kamakailan ay umaksyon si Agriculture Secretary Arthur Yap sa balitang may NFA rice na nada-divert at ibinebenta bilang commercial rice. Binalasa ni Yap ang mga tauhan ng NFA sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan upang maiwasan ang pakikipagkutsaba sa mga rice retailers. Pero sana’y lakipan iyan ng “mailed fist action” laban sa mga mapapatunayang sangkot sa iregularidad. Parusahan yung mga dapat parusahan.

Naniniwala akong idealistic pa si Yap dahil bata at may magandang konsepto para mapagbuti ang lara- ngan ng agrikultura. Pangalawang hirit na niya ito sa puwesto. Na-una na siyang ginawang Kalihim ng DA pero for some reason, pinalitan siya at muling ibinalik sa after a while. Na-realize marahil ni PGMA na wrong  move and ginawa niya.

Inaani lang marahil ng DA ang masamang epekto ng mga naganap na corruption noong araw tulad ng wala pang linaw na fertilizer scam wherein millions of pesos which were supposed to assist our farmers were diverted somewhere else. Kailangan ding tutukan ni Yap “like a lazer beam” to borrow the phrase of PGMA ang problema sa pagkakaroon ng rice cartel. Kung may mga implu­wensyal na tao na kasangkot diyan, tukuyin, usigin, ide­manda at tiyaking maparurusahan. Sa tingin ko, katum-bas ng genocide o paglipol sa isang lipi ang ginagawa nila. Pagpatay ito sa lipi ng mga mahihirap na Pilipino na umaasa lamang sa murang bigas na maipagkakaloob sa kanila ng pamahalaan.

Show comments