BAGO ko talakayin ang hinaing ng mga kaawa-awang miyembro ng Manila Traffic Parking Bureau (MTPB) ay nais kong hilingin sa inyo mga suki na taimtim na manalangin para kay Pambansang Kamao Manny Pacquiao upang maagaw ang koronang matagal nang minimithi sa katauhan ni Mexican boxer Juan Manuel Marquez.
“Diyos kong makapangyarihan basbasan po ninyo si Pacquiao at nawa’y mabigyan nyo siya ng biyayang lakas at tibay ng loob sa pakikipagbasagan ng mukha laban kay Marquez upang makamit ang tagumpay na magbibigay ng karangalan sa kanya at sa sambayanang Pilipino”.
Ang panalo ni “Pacman” ay tagumpay ng sambayanang Pilipino mga suki, dahil maraming halal ng bayan at matataas na opisyales ng pamahalaan ang kasalukuyan ngayon nasa Las Vegas upang sumuporta sa laban at syempre maraming dolyares na naman ang kanilang binaon upang itaya sa kanilang kalaban, he-he-he! Naway palarin silang manalo upang mapuno ang kanilang bulsa.
At oras na malasin at matalo ang mga ito natitiyak ko mga suki na sa kaban na naman ng bayan sila tatabo. Get n’yo mga suki?
Buweno mga suki, nais kong talakayin ang hinaing ng mga kawawang traffic enforcer ng Manila City Hall sa ilalim ng administrasyon ni Manila Mayor Alfredo S. Lim.
Alam ba ninyo mga suki na ang sahod pala ng mga ito ay P3,000 lamang isang buwan at kung sila’y sahuran ay umaabot muna sa tatlong buwan na kung susumahin ay aabot sa P9,000.
Kaya naman pala madalas na nangongotong na lamang ang ilan sa kanila ay upang may maisubo sa nagugutom nilang pamilya, he-he-he! Sa kakarampot na suweldo ay di pa naibibigay sa tamang oras kaya nalilipasan sila ng gutom at ang kanilang buong pamilya.
Kaya kahit mali sa mata ng tao at sa Panginoon ay napipilitan silang dumilihensiya sa mga motorista upang matugunan ang pang-araw-araw na pambili ng pagkaing ihahain nila sa kanilang hapag kainan. Get n’yo mga suki?
Maging ang porsiyento nila sa Ordinance Violation Receipt (OVR) ay pinagkait pa sa kanila. Ayon sa mga nakausap kong enforcer ay umaabot na sa walong buwan na hindi naibibigay sa kanila ang komisyon.
At sa ngayon ay na- ngangamba sila na baka ma balewala ang kanilang pinagpaguran matapos na aprubahan ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang Single Ticketing System (STS) matapos na magsagawa ng tigil pa- sada ang mga transport group.
Sa ngayon ay nag-aantay ang may humigi’t kumulang 300 traffic enforcer na mabigyan ng pansin ni Mayor Lim ang kanilang hinaing. Aba Mayor Lim, pakitugunan po ang karaingan ng mga kaawa-awang enforcer ng matigil na ang kotongan sa iyong lungsod.