WASTO at kapuri-puri ang naging reaksiyon ni AFP spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro sa pagtutol ni Sen. Jamby Madrigal sa promotion ng maraming general at colonel sa Commission on Appointments (CA). Sinabi ni Bacarro na ang pagtutol ni Madrigal ay bahagi lamang ng democratic process, at talagang tama naman siya.
Ayon sa theory ng demokrasya, ang mga senator at congressmen ay mga kinatawan ng taumbayan at sa pamamagitan nila, ay napapatupad ang kapangyarihan ng mga tao na kinakatawan nila. Sila raw ay walang sariling kapangyarihan, ngunit dala-dala nila ang kapangyarihan ng mga tao.
Katulad ng mga general at colonel, dumadaan din ang mga ambassador at consul sa CA tuwing sila ay kailangan nang ma-promote. Higit pa sa mga military officials, ang mga diplomats ay kailangan ding dumaan sa CA tuwing sila ay kailangan nang ma-assign. Dahil diyan, dapat doble ang takot ng mga diplomat sa CA kumpara sa mga sundalo.
Matatapang man ang mga sundalo, may dahilan silang matakot sa CA, at madaling intindihin ang dahilan na ito. Ang mahirap intindihin ay kung bakit may mga diplomat na tila yata walang takot sa CA, at parang walang pakialam kung may humarang sa kanila sa CA, kung sila ay nakasalang na roon.
Bilang halimbawa, si Ambassador Isaias Begonia na nasa Qatar ngayon ay hindi sumasagot sa mga sulat ng OFW Family Club na humingi ng tulong para sa mga OFW na may problema sa Qatar. Minsan lang siyang sumagot, at nagalit pa kung bakit daw siya isinulat sa column ko. Hindi ba niya maintindihan na yan ang trabaho ng media na isulat ang mga opisyal na hindi gumagawa ng kanilang tungkulin?
Dahil sa asta ni Bego-nia, nagdesisyon na ang Club na harangin siya sa CA, pagdating ng panahon ng kanyang pagsalang. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanya.
* * *
Makinig sa KOL KA LANG sa Radio Veritas 846 khz 5 to 6 Mon to Fri. E-mail: royseneres@yahoo.com, text 09163490402, dumalaw sa www.royseneres. com, tumawag sa 5267522 at 5267515.
OFW Family Club 1986 Taft Ave. Pasay