Buwelta ng gobyerno: Suntok sa hangin
DAHIL sa parami nang parami ang kilos-protesta laban sa administrasyong ito, mukhang palaban na rin ang mga kasangga ni GMA. At ang sandata nila, intimidasyon, paninira at pananakot sa maraming pamamaraan. Nauna na rito ang paglalagay ng mga CCTV o kamera sa mga “piling lugar” tulad ng harap ng La Salle Greenhills at St. Scholasticas College. Nataon naman na aktibo na ngayon ang mga paaralan at kolehiyo sa pagbigkas ng mga protesta laban sa gobyerno. Sabi pa ng PNP, 30 kamera pa ang ilalagay sa iba’t ibang bahagi ng siyudad, at gagamitin lamang sa pag-oobserba ng trapik at hindi sa pag-eespiya sa kung sinuman. Talaga? Eh bakit nakatago pa ang mga mukha ng mga nagkabit ng kamera sa
Heto pa. Nandiyan na rin ang pahayag ni bagong House Speaker Prospero Nograles na sampahan ng buwis na rin ang Simbahan! Nataon naman na may ilang sektor na rin ng simbahan na nanawagan na sa pagbitiw ng Presidente at pagtahol laban sa katiwalian. Malinaw naman na intimidasyon na rin ito sa simbahan dahil sa kanilang aktibong partisipasyon sa mga kilos-protesta. At tulad na lang ng lahat ng pahayag ng mga kaalyado ng Presidente, kumambyo at binago rin ni Nograles ang kanyang pahayag tungkol dito. Ano ba yan? Hindi na talaga mapagtahi-tahi ang lahat ng pahayag ng gobyerno!
At kailan lang, may taong iniharap ang administrasyon na nagsasalaysay ng mga umano’y katiwaliang ginawa nila ni Lozada noong sila’y namumuno sa Philippine Forest Corporation. Ang pangalan ng lalaki ay Erwin Santos. Paiyak-iyak din si Erwin Santos. Ipinalabas sa istasyon ng gobyerno — kaya tuloy kulang sa kredibilidad ang dating ng mga pahayag na nagmukhang pakana ng gobyerno. Pero wala raw kinalaman ang Malacañang kay Erwin Santos, na tila kusang-loob lumabas sa TV para isiwalat ang mga umano’y anomalya nila ni Lozada. Opus Dei pa raw ito na istriktong Katolikong organisasyon — so bawal magsinungaling. Pero ang tanong — may naniwala ba sa kanya? May naawa ba sa kanya? Sabihin nang totoo ang kanyang mga pahayag, eh di dapat kasuhan na rin siya? Inihahanda na kaya ng DOJ ang kasong isasampa sa kanya? Iyan naman ay makikita pa natin sa mga darating na araw, kung talagang patas ang turing ng DOJ sa lahat. Pero kung si Raul Gonzales pa ang pinuno nito alam na natin kung sino ang poon nito.
Tila kusa nang sinasantabi ng gobyerno ni Arroyo ang persepsyon ng publiko. Parang halos nanununtok na ng hangin sa kagustuhang matamaan ang parang multong kaaway. Siguradong marami pang hakbang na gagawin ang Palasyo sa krisis na hinaharap nila ngayon. Kailangang makaisip sila ng gimik na kakagatin ng publiko. Dahil sa ngayon ay tila hindi binibili — kasi naman — bumenta na dati.
- Latest
- Trending