KUNG nangangailangan kayo ng tulong pinan-siyal, at may kilala kayo sa administrasyong Arroyo, malalapitan ninyo siguro si Deputy Executive Secretary Manuel Gaite. Sa kanyang pahayag mismo, ang tulong na ibinigay niya kay Jun Lozada ay “kusang-loob na kawang-gawa niya lamang, sa isang taong nangangailangan ng tulong”. Tumawag umano si Lozada sa kanya dalawang araw bago siya bumalik galing Hong Kong at humingi ng tulong. Nakabuo si Gaite ng P500,000 para ibigay sa kapatid ni Lozada. Ang pera ay galing daw sa isang pribadong tao at hindi galing sa pondo ng gobyerno. Ang unang pahayag ni Gaite ay galing daw sa kanya ang pera. Pero nang marami na ang nagtanong kung paano niya mabibigay ang pera sa sahod na natatanggap niya, nagbago na ang kuwento. Habang tumatagal, pabagu-bago ang mga salaysay ng mga taga-administrasyon, sagisag ng isang kasinungalingang kuwento.
Kaya ang tanong ngayon, sino ang nagpahiram ng kalahating milyon kay Lozada, sa tulong ni Gaite? Ayaw pang sabihin sa ngayon, at sa Sena do na lang daw. Ganun na rin talaga ang administrasyong ito. Nagpamudmod din ng kalaha-ting milyon sa mga kongresista at gobernador, sa Palasyo mismo! At sinu-sino na lang ang umako sa pagbibigay ng pera. Hanggang ngayon, hindi pa malaman kung saan talaga nanggaling ang pinamudmod na pera. Namatay na rin ang kuwentong iyan dahil sa maraming pangyayari at muling pagkabuhay ng ZTE/NBN scandal. Dahil na rin sa sunud-sunod na eskandalo ng administrasyong ito ay nakakalimutan na ang mga nauuna. Pero ang tanong ng marami: Napuno na kaya ang salop at ngayon ay handa nang balikan ng publiko ang lahat ng naipon na mga hindi naresolba at napanagutan na mga anomalyang ito?
Dumarami ang mga tumitindig. At dahil na nga sa mga kuwento-kuwento ngayon ng pera, may mga gusto na ring tumestigo ukol sa ZTE/NBN at kung ano pang anomalya sa gobyerno kung babayaran na rin sila! Paano naman magiging kapani-paniwala ang mga “testigo” na iyan kung bayaran naman sila? Malakas ang boses ng pera, na tanging wika na tila pinaka-bihasang bigkasin ng administrasyong ito, kung saan marami ang nakikipag-usap. Salapi na lang ang nagtatahi sa luray-luray na moralidad ng gobyernong ito. Hindi nakapagtataka kung bakit marami pa rin ang kasabay ng Presidente sa kanyang paglalakad sa Malacañang, na tila mga de-susing sundalo. Maganda ang ekonomiya totoo — sa loob ng Palasyo. Kaya napakadali mamigay ng kalahating milyon sa pagkakawanggawa sa sinumang nangangailangan — na mga bataan ng mga nasa kapangyarihan.