Ika-siyam ng Pebrero ngayong taong ito
alas-singko pa lang nagb’yahe na ako
puntang Candelaria mula sa San Pedro
pagka’t may reunion doon sa high school ko!
Candelaria, Quezon nang aking maabot
nagtungo agad sa Lady Mediatrix Institute -–
ang Alma Mater kong malawak ang campus
at nakipagsaya sa kapwa alumnus!
Ang reunion pala’y isa ring “homecoming”
at maraming klase ang nangagsidating;
ang nagparehistro’y Class ’51 hanggang 2007
at kaming iilan sa Class ’56 ay gayundin!
Maraming nagtapos ang nangagdatingan
kabilang ang mayor ng naturang bayan
siya pala’y member ng aming alumni
at Bong Maliwanag ang kanyang pangalan!
Cipring Maliwanag ang amang alkalde
nitong si Mayor Bong kung kaya kaybuti;
ninong ko si Cipring at saka kaklase
ng aking kapatid na si Kuya Cely!
Pero ang malungkot ay ang klase namin
pagka’t lilima lang kaming nakarating
dati kami’y 44 na pawang magiting
at sa Class ’56 maraming happenings!
Dalawang lalaki at tatlong babae
kaya sinikap ko na magsaya kami;
ako ay tumula na siya kong “forte”
ang Miss LMI noon ay aking pinuri!
Ang Miss LMI noo’y si Loring Maranan
ngayon ay Jose na apelyidong taglay;
siya’y kaklase ko at kay bait naman
kahi’t umedad na’y taglay ang kariktan!
At dahil si Loring naging mahiyain
siya ay bumaba sa tanghalan namin
kaya ako ay naghanap ng bagong bituin
at si Tessie Quizon ang aking hiniling!
Si Tess Quizon pala tunay na pamangkin
ni Mam Ruperta Quizon na Registrar namin:
kahi’t ka may utang pwedeng umiksamen
kahi’t lubog ka sa utang nakatawa pa rin!
Inanyayahan kong si Tess ay umakyat
at sapagka’t “sport” ay pumayag agad;
mabait na mayor ay aking tinawag
at pumayag namang mag-escort sa dilag!
Ano pa nga’t walang pagsidlan sa tuwa
mga ka-alumnus sa aking pagtula;
sa totoo lamang tula’y di titila
upang ang LMI lalong dumakila!