REHABILITASYON ng Angat Dam; pabahay sa pulis. Dalawa lang ‘yan sa mga proyektong isinakripisyo umano ni President Gloria Arroyo para lang maisingit ang $330-milyong ZTE deal na may $200-milyong kickback. At ‘yan din ang rason kung bakit nabagabag si Jun Lozada.
Kinuha umano ni noo’y Economic Sec. Romy Neri si Lozada bilang technical adviser sa national broadband network. Panukala noon ang ZTE Corp. ng China na magbenta ng telecoms equipment nang $262 milyon, na ipapautang sa gobyerno ng China Export-Import Bank. Balak naman ng Amsterdam Holdings Inc. ni Joey de Venecia III na sila mismo ang gagasta ng $240 milyon para itayo ang network, at saka na sisingilin ang gobyerno sa sistemang build-operate-transfer. Eksperto si Lozada sa telecoms dahil nagtrabaho sa Alcatel at iba pang malalaking kompanya sa abroad.
Ani Lozada, itinutulak ni Comelec chief Ben Abalos ang ZTE. Pero ang patakaran ni Arroyo ay daanin sa B-O-T imbis na utang ang NBN, kaya hindi makalusot si Abalos at lamang naman ang offer ni Joey.
Natuklasan ni Lozada na may $130-milyong panimulang overprice sa presyong $262-milyon ng ZTE. Inatasan siya ni Neri na bawasan ang kahayukan ng ZTE group sa kickback. Ipinagtambal pilit ni Lozada sina Abalos at Joey, pero ayaw ng huli, kasi siya ang maku kulong kapag nabigyan ng komisyong $130 milyon. Nagsumbong naman si Abalos kay First Gentleman Mike Arroyo, at doon na naganap ang paninigaw ni Mike kay Joey ng “back off.”
Matapos mag-usap sina Abalos at Mike, biglang nagbago ang isip ni Arroyo. Utang na ang gusto niya, imbis na mas mainam na B-O-T. Sinabi ni Neri kay Arroyo na hindi makakayanan ng gobyerno ang $262-milyong utang para sa proyektong $130 milyon lang; lulupaypay ang ekonomiya. Sagot umano ni Arroyo na huwag nang ituloy ang pag-rehabilitate ng Angat at ang pabahay ng pulis, para ‘yung utang na lang sa China ang iisipin. Isinasakripisyo ang sanhi ng inumin at irigasyon ng Greater Manila at Central Luzon, at benepisyo ng mga pulis. Lumobo pa sa $330 milyon.