LABIS ang katiwalian sa bansang ito at nakapangangamba na kung ang susunod pang Presidente ay wala ring ngipin sa paglaban sa mga magnanakaw, kawawa ang kahihinatnan ng Pilipinas. Ang mga makikinabang na lamang ay ang mga kurakot. Maski ang nangyaring pagpapatalsik kay House Speaker Jose de Venecia kamakalawa ay katiwalian din ang masasabing pinag-ugatan.
Laganap ang katiwalian sa bansa at maaaring hindi na nga masupil hangga’t si President Arroyo ang nakaupo. Mula pa noong 2001 na umupo si Mrs. Arroyo, sunud-sunod na ang mga pagbatikos at reklamo dahil sa katiwaliang nangyayari sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Ilang taon na ang nakararaan, isang grupo ng mga American businessmen ang nagreklamo laban sa sobrang red tape sa gobyerno. Nagbanta ang mga negosyanteng Amerikano na aalisin nila ang kanilang mga negosyo sa Pilipinas kapag hindi gumawa ng hakbang ang pamahalaan para supilin ang talamak na katiwalian.
Himala namang kumilos si Mrs. Arroyo at binuo ang Presidential Anti-Graft Commission (PAGC). Hindi pa nakuntento, binuo ang “lifestyle check” na ang layunin ay usisain ang mga yaman ng mga opisyal ng gobyerno. Pero nakapagtatakang wala nang gaanong marinig ngayon tungkol sa PAGC at “lifestyle check”. Nasaan na? May ilang nasampolan pero “maliliit na isda” lamang at ang mga “malalaking isda” ay patuloy sa pangungulimbat.
Ang walang kaseryosohang pagbaka ng gobyernong Arroyo sa mga corrupt ay hindi nakaligtas sa Millenium Challenge Corp. (MCC). Ang MCC na humahawak ng United States’ Millenium Challenge Account ay prangkahang pinagpapaliwanag ang Pilipinas kung bakit biglang humina ang pagsisikap na malupig ang mga corrupt sa pamahalaan. Nagtataka ang MCC kung bakit bumagsak sa 57 percent ang sigasig ng pamahalaan sa pagdurog sa mga tiwali sa pagsisimula ng 2008. Noong 2007 naitala ng MCC na 76 percent ang sigasig ng pamahalaan.
Masyadong concern ang MCC sa nangyayaring corruption sa Pilipinas sapagkat kabilang ang bansa sa binibigyan nila ng grant. Ngayong 2008, eligible na ang Pilipinas para makatanggap ng $21-million.
Malaking halaga ang grant ng MCC sa Pilipinas at nangangamba sila na baka sa bulsa lamang ng mga kurakot ito mapunta. Natural na maghigpit sila at kuwestiyunin ang kawalang seryoso o kabagalan ng Pilipinas sa pagsupil sa mga tiwali. Ayaw nilang masayang ang kanilang itinutulong kaya gusto nilang maging masigasig ang Pilipinas sa pagsupil sa mga kurakot.