Kung inaakalang matatahimik na ang bansa ngayong may bagong COMELEC Chairman, mukhang matatauhan ang Palasyo. Gaano man kahusay at linis ang rekord ni Justice Jose Melo, mababalik lang ng buo ang tiwala natin sa COMELEC oras maresolbahan ang pandarayang ginawa kay FPJ noong 2004.
Inulan ng kaliwa’t kanang papuri si Justice Melo, maging sa non-administration officials. Malaking tulong ang pagiging dating mahistrado at isang respetadong legal practicioner. Subalit kung pag-aaralan ang mga komentaryo, kasali sa pagbati ang paalalang aksyunan na niya agad ang Garci issue. Ang implikasyon nito ay malinaw: Pasado man siya sa kwalipikasyon, mag-iintay pa rin ang lipunan na hatulan ang performance ni Ch. Melo.
Ok at inanunsyo na ni Sen. Alan Cayetano at Sen. Rodolfo Biazon ang planong pagpiga kay Melo at pati na rin kay Commissioner Moslemen Macarambon sa pagharap nila sa kanyang committee sa Commission on Appointments. At least malalagay sa rekord ang kanilang mga intensyon at strategy hindi lang sa Garci, kung hindi pati sa mga repormang kailangan ng ating sistema ng eleksyon. Pakitanong Sen. Alan kung paano nila i-exorcist ang mga multo sa voters’ list. At ano ang masasabi nila sa automation of elections?
Pero Garci pa rin ang susi – hindi matatahimik ang bansa hanggat hindi hinaharap ni GMA ng tapatan ang paratang. Wala nang umaasa na mababaligtad pa ang kanyang proklamasyon. Maski ang kay Sen. Legarda na Motion for reconsideration ay wala na sa isip ng tao. Tanggap nang its Gloria until 2010 (at the earliest). Ang hanap lang naman ay ang marinig ang katotohanan. Inumpisahan na nung nag- I … AM … SORRY … Pero pagkatapos nun ay agad sinara ang pinto. Wala nang kasunod.
Buong Pilipinas ang tututok sa magiging performance ni Justice Melo sa pagharap sa kanyang kompirmasyon at, kung makuha niya ito, sa pagharap sa maraming pagsubok sa COMELEC.
Sana’y pangatawanan niya ang kanyang titulo na Justice – at itong katarungan ang kanyang ibigay sa tao sa kanyang pag hawak ng chairmanship ng COMELEC.