EDITORYAL — Katiwalian pa rin ang problema kahit kailan

NAGKAROON ng EDSA Uno at EDSA Dos para pa­tal­sikin ang mga pinunong sakim sa kapang­yarihan, labis na pagkagahaman sa pera ng bayan at talamak na katiwalian. Ang dalawang EDSA revolu­tions (February 20-25, 1986 at January 20, 2001) ay kusang sumibol sa makasaysayang EDSA. Nagkaisa at nagkapit-bisig ang taumbayan at nagtagumpay. Dalawang pinuno ang nabunot sa Malacanang dahil sa EDSA revolutions.

Pero hindi pala lubos ang nangyari sa EDSA sapagkat hanggang sa kasalukuyan ang proble­mang katiwalian sa gobyerno ay patuloy pa ring nangi­ngiba­baw. Kung gaano kabigat ang problema sa katiwalian noon, ganito pa rin ngayon at lalo pang naging talamak.

Noong nakaraang Linggo ay ginunita ang ika­pitong anibersaryo ng EDSA Dos na naging dahilan kaya nabunot sa Malacañang si dating President Joseph Estrada. Pumalit sa puwesto si Gloria Maca­pagal-Arroyo na noon ay Vice President. Naakusa­han si Estrada ng pandarambong at pagsira sa tiwala ng taumbayan. Anim na taon na nakulong si Estrada. Noong nakaraang taon, pinardon siya ni Arroyo.

Pero hindi iyan ang isyu kundi ang talamak pa ring katiwalian na nangyayari sa kasalukuyan. Kung matindi ang katiwalian sa panahon ni Estrada, mas marami ngayon at tila hindi gumagalaw ang gobyerno para ang mga “malalaki at matatabang isda” ay ma­lambat at maitapon sa aquarium na may rehas. Walang nakikitang ganito ngayon sapagkat ang nala­lambat lamang ay mga “payat at maliiit na isda”. Walang kabusugan ang mga tiwali at patuloy sa pagnanakaw.

Ang ganitong kalagayan ng bansa na nakasak­mal ang mga tiwali ay inamin ng Malacañang. Ayon kay Presidential Management Staff  Cerge Remonde, malaking problema ang katiwalian maka­lipas ang pitong taon o pagkatapos ng EDSA Dos. Ayon kay Remonde, hindi lamang ang pamahalaan ang namu­mroblema sa problema ng katiwalian kundi pati na rin ang pribadong sector. Gayunman, sinabi ni Re­monde na gumagawa ng hakbang ang pamahalaan para lubos na mapuksa ang mga tiwali. Hindi raw tumitigil ang pamahalaan para malambat ang mga “malalaking isda”. Katunayan daw, may mga nasibak nang government officials ang Pre­sidential Anti-Graft Commission (PAGC) at marami pang sususpindehin.

Mabigat ang problema sa katiwalian noong panahon ni Estrada pero ngayon sa Arroyo admi­nistra­tion ay mas matindi pa. Ngayon ay malalaking halaga ang sangkot gaya ng sumusunod: $329.48-million kontrata para sa national broadbandk network (NBN), P780-milyong fertilizer scam ni Jocjoc Bolante, $2-milyon na pangingikil ni dating DOJ Sec. Hernando Perez kay Mark Jimenez kaugnay sa Impsa deal at P500-milyong suhol ng Piatco sa NAIA. Marami pang iba.

Tila tama ang sabi ni Estrada na mas corrupt ang Arroyo admin kaysa kanya.

Show comments