HAY naku. Tuwing may debate sa Kongreso ng mahalagang isyu, nauuwi sa insultuhan. Masdan ang nangyari sa usapin kung pagkain o pangningas ang dapat itanim. Sinimulan ni Sen. Miriam Santiago ang pamemersonal. Nabasa niya sa diyaryo ang opinyon ng isang siyentipiko na maaring maubos ang lupa para sa pagkain dahil nauuso ang pagtatanim ng oilseeds para biodiesel at mais o tubo para bioethanol. Nagpapalapad lang daw ng papel ang mga pulitikong nagsusulong ng biofuels. Nasaktan si Sen. Juan Miguel Zubiri, na umakda ng Biofuels Act. Sa pagpatol kay Miriam, ipinahiwatig niya na ang mga kumokontra sa biofuels ay bayaran ng oil cartel. Sumabat si Rep. Roilo Golez at sinaway si Zubiri. Sinabi niyang miski naman si dating Agriculture Sec. William Dar ay kabado sa pagtulak sa jatropha dahil maaari umanong maubos ang lupain para taniman ng pagkain.
Pero una sa lahat, walang masama kung kumandidato ang isang pulitiko pabor o kontra sa biofuels. Maganda nga ‘yon dahil nagkakaroon ng tunggalian ng ideya, na importante sa demokrasya. Tapos, na-misquote ni Golez si Dar, na ngayo’y executive director ng International Crops Research Institute for the Semi-Arid Tropics (sa India). Sana, bumalik ang mga mambabatas sa mahinahong debate imbis na bangayan.
Sa e-mail niya sa akin, lumalabas na pabor si Dar sa jatropha, ang biodiesel na itinutulak ng PNOC Alternative Fuels Corp. “Pinu-promote namin ang pagtatanim ng mga subok nang varieties ng jatropha, upang magamit ang mga tigang at wasak na lupain,” kuwento ni Dar. “Kapag itatanim ang ganitong mga subok na varieties, hindi mauubos ng jatropha ang mga lupaing dapat gamitin sa pagkain.”
Dapat, ani Dar, ang pagtulak sa biofuels ay nakabatay sa agham. At ‘yan din ang iginigiit ni Dr. Rene Velasco, chairman ng PNOC Alternative Fuels Corp. Nang itatag ang AFC nu’ng June 2006, nagsagawa agad ito ng field tests upang malaman kung ano’ng varieties ang pinaka-angkop sa klima ng Pilipinas. At ang ginamit nila ay mga marginal lands sa Nueva Ecija at Cagayan de Oro. Sana ipatawag sina Dar at Velasco sa Kongreso.