EDITORYAL — Bumaba raw ang nilikidang aktibista, nakatutuwa ba?

PITONG kaso lamang ng extrajudicial killings ang naitala noong nakaraang taon, ayon sa yearend report ng Philippine National Police (PNP) sa Department of Interior and Local Government (DILG). Mabuti-buti raw ang 2007 kung ang pag-uusapan ay ang tungkol sa mga hindi maipaliwanag na pagpatay sa mga political activist. Mas malaki raw ang ibinaba kumpara noong 2006 na 41 kaso ng pagpatay sa mga aktibista at mamamahayag. Sabi ng DILG, 83 percent ang ibinaba ng extrajudicial killings.

Tila may himig pagkatuwa ang pagbabalita ng PNP kaugnay ng maliit na bilang ng mga pinatay na aktibista at mamamahayag. Sa halip na mangamba dahil mayroon pang nangyayaring pagpatay, iba    ang ibinubuka ng kanilang bibig. Para bang hindi sila masyadong nag-aalala sa mga nangyayaring pagpatay. Hanggang ngayon, wala pang nangyayari sa mga imbestigasyon kaugnay ng pagpatay. Tila ba hindi binibigyang-halaga ng PNP ang mga sunud-sunod na pagpatay na parang mga manok na binaba­ril ang mga aktibista at mga miyembro ng media.

Ang ganitong kalubhang sitwasyon sa Pilipinas kaugnay ng extrajudicial killings ay kinondena ng mga human rights groups. Sa loob ng limang taon, may 800 kaso ng pagpatay sa mga aktibista at mama­mahayag. At dahil dito, nakahanay ang Pilipinas sa human rights watchlist ng United Nations  at US Congress. Binatikos ang pamahalaan kung bakit walang ginagawang hakbang para malutas ang mga pagpatay. Karamihan sa mga nangyayaring pagpatay sa mga aktibista ay iniuugnay sa anti-insurgency operations ng pamahalaan. Isa sa mga itinuturong “utak” ng pagpatay sa mga aktibista ay si retired army Brig. Gen. Jovito Palparan. Nang maging commander ng army si Palparan sa Oriental Mindoro, marami ang pinaslang at nawalang aktibista. Tina­gurian si Palparan na “Butcher of Mindoro”. Nang mag-retire siya noong 2006, tinawag siya ng mga makakaliwa na “dead man walking”.

Sa mga kaso ng pagpatay na iniuugnay kay Palpa­ran ay walang nalutas. Hanggang ngayon, hindi pa nakakakamit ng hustisya ang mga kaanak ng biktima.

Hindi dapat matuwa ang PNP na kaunti lang ang bilang ng mga napatay na aktibista at miyembro ng  media. Sa halip na matuwa, mas maganda kung mag­kakaroon ng puspusang kampanya ang PNP na malutas ang mga kaso ng pagpatay. Hanapin ang utak ng mga pagpatay para naman magkaroon ng hustisya. Kung magagawa ito ng PNP, mabubura sa paniwala at paningin ng mga human rights group na grabe na ang nangyayaring krimen sa Pilipinas. Hindi na pag­hihinalaan ang gobyerno na usad-pagong sa pag­kilos sa mga pagpatay. Hindi na rin matatakot ang mga dayuhan na magsidagsa para bisitahin ang Pilipinas.

Show comments