MARAMI ang nagulat sa mga pahayag ni dating President Erap tungkol sa nababalitang paglalabu-labo ng mga nagpaplanong kumandidato sa pagka-presidente sa 2010.Nagpahiwatig si Erap na handa siyang kumandidato kapag walang magaling na isasabak ang oposisyon. Noong Sabado deretsuhang sinabi ni Erap na batay sa mga pangyayari ngayon, siya lamang ang tanging may tsansang manalo sa pagka-presidente sa 2010.
May nagsasabing pakulo lamang ni Erap na tumakbo para guluhin ang oposisyon. Ngunit ang tanong, sino naman daw ang patatakbuhin sa administrasyon? Si GMA raw ba kahit na lalabag na ito kung termino sa Konstitusyon ang pag-uusapan. Kung hindi si GMA, sino ngayon sa administrasyon ang patatakbuhin at mamanukin ni GMA? Si Noli de Castro kaya?
Sa tingin ko si Senate President Manny Villar ang may malaking potensiyal na manalo sa pagka-presidente sapagkat may kakayahan siyang gumastos. Nasa posisyon siya at presidente ng Nacionalista Party. Maganda ang kanyang mga karanasan sa buhay, may pinag-aralan at nanggaling siya bilang isang mahirap.
Hindi ko alam kung totoo ang pinaplanong pagtakbo ni Erap. Malalaman sa mga darating na mga araw. Sa pulitika, napakahirap arukin ang mga tunay na mangyayari. Aakalaing totohanan, ‘yun pala ay lokohan lamang. Payo ko sa mamamayan, buksan ang mga mata at talasan ang pandinig.