‘May karera wala namang kabayo...’
NAGLABASAN NA ANG MGA ISYU at sigalot sa pagitan ng tatlong organisasyon ng mga race horse owners sa Pilipinas, ang Metropolitan Association of Race Horse Owners (MARHO), Philippine Thoroughbred Owners and Breeders Organization (PHILTOBO) at Klub Don Juan de Manila (KDJM) at nang pinuno ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM) Commissioner Florencio Fianza at mga miembro ng board nito.
Sa isang press conference na ginanap sa Wack Wack Golf Club sa Mandaluyong City hiningi ng “tri-group” na ito ang pagbibitiw ni Fianza at ang mga miembro ng board dahil sa hindi nila pagsang-ayon sa pamamalakad nitong retired general na inappoint ni President Gloria Macapagal-Arroyo.
Nagresulta ito sa paghinto ng mga karera ng kabayo mula pa nung Sabado at magpahanggang ngayon wala pa ring linaw kung kelan maibabalik itong multi-million peso industry na ito na nagdadala ng malaking halaga kada araw ng karera sa pamamagitan ng tax revenues sa kaban ng bayan.
RACING HOLIDAY ang gusto nilang itawag subalit malinaw na boycott naman ang ginagawa ng mga race horse owners dahil sa pagpapatupad ni Fianza na bagong sistema simula ng pagpasok ng Enero ng 2008.
Sa isang pakikipag-usap sa ilang race horse owner, ang sentro ng kanilang reklamo ay ang ipinatupad ni Fianza na patakaran na “no going up and down” na handicap classification sa mga kabayo sa karera.
“Gusto ni Fianza na gayahin ang sistema sa Amerika, Saudi Arabia, Australia at ibang parte ng mundo kung saan hindi na pwedeng bumaba ng grupo ang mga kabayo. Okay sa mga bansang binanggit ko dahil ang dami ng mga kabayo dun kung ikukumpara dito sa ating bayan na wala pa yatang dalawang libong kabayo ang aktibong sumasali sa mga karera,” ayon sa race horse owners na aking nakausap.
Halata naman daw may “pinapaboran na grupo ng mga race horse owners” itong si Fianza na de kalibre ang mga kabayo at walang laban ang sa kanilang kabayo dahil kung manalo nga raw ay mga ito ang layo sa kalaban,
Nag introduce itong si Fianza ng patakaran itong taong ito na ang mga kabayo na two year old at three year old ay hindi na pwedeng bumaba. Kahit hindi manalo-nalo sa karera ang mga ito, yun at yun din at makakatapat nila. Ano pa nga ba ang tsansa namin na makabawi ng puhunan sa pagbili ng kabayo? Tanong nitong aming source.
Pinaliwanag ng aking kapanayam na kung minsan hindi nakasisiguro sa mga kabayong nabibili ng isang race horse owner gayung pawang mga bata ang mga ito. Pagdating ng panahon malalaman lang daw nila na hindi pala manalo-nalo ito. Ano ang mangyayari? Magkikita-kita pa rin sila ng mga kabayo dahil parehong grupo lang sila pwede ilaban.
Sino naman race horse owner ang handang gumastos ng pagkalaki-laki para sa pagmaintain ng isang kabayo na hindi manalo sa kanyang grupo? Bakit daw hindi hayaan hanapin nito ang kanyang grupo kung saan may tsansang manalo ito para naman maging “profitable” ang kanilang pag-aalaga ng mga ito?
Oo nga raw at may mga karera para sa mga kabayong non-winners, non-placers, juveniles, condition races subalit kung titingnan mo ang lahat ng ito ang katotohanan sila-sila pa ring mga two year old at three year old horses ang magtatapatan.
“Tony, meron ngang mga division kung saan wala pa yatang limang kabayo ang nandun dahil hindi na nga makababa matapos itong umaakyat na ng grupo. Ano naman ang gustong gawin nitong si Fianza sa mga kabayong ito? Palibhasa hindi siya race horse owner, hindi siya racing enthusiast, hindi nga nakikita sa karerahan yang taong yan, walang malasakit yan sa industriya ng horse racing sa Pilipinas. Ni hindi nga nakikipag-usap yan sa mga horse owners. Dapat na talaga siyang sipain,” galit na sinabi ng aking source.
Hindi daw marunong umintindi itong si Fianza at ang gusto lamang nito patuparin ay ang kanyang “hard-line stance” dahil daw siguro sa kanyang pagiging General nung nasa serbisyo pa siya.
Naglabas naman ng statement itong si Fianza na itong tri-group na ito ang gustong kumontrol ng racing industry sa Pilipinas at hindi ang isyu ng handicapping at ang pagbaba ng revenues ang tunay na dahilan kundi ang gusto ng mga ito na ipagpatuloy ang patakaran ngayon kung saan malaya nilang mamanipula ang mga resulta ng karera ayon sa kanilang panlasa.
Para kay Fianza kung sugal lang talaga ang gusto ng mga ito, bakit hindi na lamang sila mag-casino at dun na lang ilaban ang kanilang pera. “Horse racing is all about passion for the sport and not gambling or business,” sabi ni Fianza.
Marami nang sinabi itong former general na ito tungkol sa kaganapan sa horse racing industry sa Pilipinas. Ang paggamit daw ng droga kung saan sinasaksakan umano ang mga kabayo para hindi manalo. Handicap manipulation at mga sindikato na nagsasamantala sa mga mananaya o ng bayang karerista.
Ito’y mga sersoyong akusasyon mula sa isang dating general. Alam naman nitong si Fianza na madaling magsalita, “talk is cheap” subalit kailangan patunayan o substantiate ang iyong mga sinasabi para maging kapanipaniwala ka.
Ilang taon na rin nakaupo itong si Fianza bilang Commissioner ng Philracom subalit magpahanggang ngayon wala pa akong nababalitaan na na-ban na race horse owner dahil nag-utos na magpatalo ng kabayo sa isang karera o nag-utos na turukan ng “downers” para ma-groggy ang isang kabayo at matalo sa karera o sindakatong nabuwag o naimbestigahan man lang habang siya’y nakaupo. Bakit ngayon mo lang sasabihin yan General?
Ang alegasyon na ito ay dapat sagutin ng mga miembro ng tri-group na ito na malinaw namang pinatutungkulan sa mga sinabi ni Fianza.
Kung totoo nga ito, aba, ilang taon ng niloloko sa bayan karerista na patuloy tumatangkilik ng mga karera sa Sta. Ana Park at San Lazaro Leisuro Park. Ang testamento nito ay ang milyong mga taya ng ating mga kababayan na mahilig sa sport na ito. Paano na ang karera kung wala namang kabayo, General?
Ang mga race owner na pinapaboran daw nitong si Commissioner Fianza na maaring nagdidikta sa kanya ay siya ring gumagawa ng paraan para matuloy ang karera sa pamamagitan ng pagbibigay ng dagdag na “cash prize” sa mga titimbang sa karera. Kahit na kwarto pwesto lang P30,000 na. Sino kaya itong mga ito? Gusto ninyong malaman? Sa susunod na lang wala ng ispasyo.
Ang kolum na ito ay bukas para sa anumang impormasyon o komento na maaring makapagbigay linaw sa gusot na ito. Maari kayong tumawag sa 6387285 o magtext sa 09213263166, 09198972854.
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending