NAGSALITA na ang Security Exchange Commission (SEC) na nagbabawal sa Cellpawnshop na mangalap ng mga investors at tumanggap ng mga investments.
Mariin ang babala ng tanggapan ni Atty. Hubert Guevarra, Director ng Compliance & Enforcement department ng SEC na hindi otorisado ang Cellpawnshop na tumanggap at magnegosyo ng usaping investments.
Matatandaan ang reklamo ng mga dating investors ng Cellpawnshop na nagtiwalang mamuhunan at maglagay ng malaking halaga sa Cellpawnshop subalit sa huli ay wala din naman silang napala at nakuha.
Nahirapan pa ang mga investors na ito na ipull-out na ang kanilang mga investments dahil wala ng mailabas na pera ang Cellpawnshop.
Ang siste, matapos malaman ng pamunuan ng Cellpawnshop na BITAG ang nagbunyag ng kanilang kabulastugan dahil sa paglapit sa amin ng kanilang mga nabiktima, kaagad inaareglo ng Cellpawnshop ang mga ito.
Eto rin ang Cellpawnshop na nadiskubre ng BITAG na nagreremata ng mga sanlang cellphones nang wala pang 90 days. Batas na ipinatutupad ng Bangko Sentral ng Pilipinas na sinusuway naman ng Cellpawnshop.
Ang sikreto pala, sinasanlang muli ng Cellpawnshop ang mga sanlang cellphones sa ibang sanglaan at sa isang Casino Financier upang may maipambayad sa kanilang mga investors sa negosyo.
Dahil sa mga pangyayaring ito, ginawa ang pahayag na ito ng SEC upang magbigay babala sa Cellpawnshop na itigil ang panghihikayat ng mga investors na mamuhunan sa kanila.
Kasabay ng pahayag na ito ay nagbibigay babala din ang BITAG sa mga kababayan nating kinukumbinsi, na lapitan na o naumpisahan nang bolahin ng Cellpawnshop na hindi otorisado para sa negosyo ng investment.
Maaari kayong magpunta sa tanggapan ni Dir. Hubert Guevarra ng SEC upang mabigyang linaw hinggil sa kasong ito o tumawag sa BITAG sa mga numerong 9328919, 9325310 at text hotline 0928-9038238.
Patuloy na nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan ang BITAG sa mga may kapangyarihan katulad ng SEC at Bangko Sentral ng Pilipinas na siyang nakatutok sa mga reklamo laban sa Cellpawnshop.