’YAN ang masama sa pag-pardon sa convict na hindi naman nagsisisi. Nagigimbal ang lipunan. Ehemplo ang pag-release kay Joseph Estrada wala pang tatlong linggo mula nang masentensiyahan. Mali na nga ang itinuturong leksiyon sa madla, tinutuya pa ni Erap ang sistemang hustisya. Una, hayagan niyang siniraan ang hatol na guilty ng hukuman. Tapos, habang nilalabanan ang pagsoli ng P3.2 bilyong kinulimbat sa jueteng at SSS-GSIS, nagbantang dadanak ang dugo kung ilitin ng korte ang mga ari-arian niya. Bumoto pa sa barangay elections miski saad sa pardon na wala siyang civil rights. At ngayong nakaboto na raw siya, maari na rin siyang iboto, aniya. Kaya kakandidato siya muli para Presidente sa 2010 — miski labag sa Konstitusyon.
Sa isang matatag na Republika, balik-kalaboso agad ang convict na sumira sa kondisyon ng parole. Hindi ito mangyayari sa administrasyon na, sa takot kay Erap, ay kara-karaka itong pinalaya upang pasayahin ang mga tagahanga. Kaya ang mga tauhan ni Gloria Arroyo ay humihikbi na lang na hindi naman talaga ibinalik ng pardon ang karapatan ni Erap na iboto dahil convict. Pero wala silang ginagawa tungkol sa pagboto nito o sa paglabag sa utos ng korte na isauli ang kinulimbat na P3.2 bilyon.
Masasama ang aral sa Erap pardon. Unang pahiwatig ay mabibili pala ang kalayaan kung malaking halaga ang kulimbatin. Sa pagtutuya niya sa sistemang hustisya, mauudyukan ang iba pang preso na magpa-VIP treatment tulad niya. Hihingi rin sila ng parole miski hindi nagsisisi sa krimen sa pamamagitan man lang ng pagbayad sa mga biktima.
Sa larangan ng pulitika, ang hindi maawat na pagkandidato muli ni Erap ay magbubunsod ng iba pang paglabag sa Konstitusyon. Kung maari siyang tumakbo, e di maari rin ang iba pang nakaraang Presidente: Cory Aquino, Fidel Ramos. Inuudyukan na nga silang dalawa ng mga sipsip na tapatan si Erap sa 2010. At malamang hindi magpahuli si Gloria Arroyo. Gagamitin niya ang butas na sinasamantala ni Erap. Uudyukan siyang mag-resign sa huling araw ng termino, para kumandidato muli ala-Erap.