PURO sunog ang sumasalubong sa atin ngayong 2008. Mga ilang araw bago magbagong taon, may mga nasunog dahil sa mga paputok. Ngayong Bagong Taon, nasunog ang Parola compound sa Maynila, mga bahay sa Taguig, at kamakalawa lang, nasunog ang isang mall sa Baclaran. Alam ko mga Marso pa sunud-sunod ang sunog sa Metro Manila pero napapaaga ngayon.
Isang eroplano naman ang sumadsad sa Masbate airport dahil sa malakas na hangin. May mga tumirik namang pampasaherong barko sa Cebu, Corregidor at Leyte, kung saan kinailangang iligtas ang mga pasahero nito. Lahat ito ay nangyari sa loob pa lamang ng tatlong araw ng 2008. At ang presyo ng langis ay umabot na sa isang $100 kada bariles pero bumaba rin naman kaagad. Pero sigurado hindi ito ang huling pagtaas pa ng presyo ng langis. Pati presyo ng SuperLotto 6/49, dumoble na! Beinte pesos na ang isang taya, na ang jackpot ay maaaring umabot na sa P70 milyon ngayong Linggo. Mukhang maalat ang simula ng taon ng daga.
At ang laman ng halos lahat ng pahayagan at usapin sa radyo ang maaaring pagtakbo bilang pangulo muli ni dating President Joseph Estrada sa 2010. Bagama’t itinatanggi niya ito, panay naman ang udyok ng mga nasa kampo at paligid niya. Sa dami naman kasi ng mga taga-oposisyon na tatakbo, baka wala na naman mangyari sa kanila. Kaya nais ng ilan na tumakbo si Erap para maging isa ang oposisyon. Kung magiging isa ang oposisyon! Matatandaan ninyo na tila nahati ang oposisyon noong 2004 nang tumakbo si Sen. Ping Lacson, kahit si FPJ na ang pinili ng oposisyon para tapatan si GMA. Marami ang nagsasabi na nahati ang boto ng oposisyon dahil dito, at nakalamang si GMA. Paalala naman ng Malacañang kay Erap na bahagi ng pagpapatawad sa kanya ang pangako niya na hindi na siya mamumulitika. Eh madali makalimot ang Pilipino di ba?
Kaya ayan ang mga pasimula ng 2008. Sana naman ay hindi ito pati- kim sa atin kung paano tatakbo ang 2008 kundi, ito na ang mga masasamang pangyayari na para sa buong taon.
Maraming Pilipino ang puno ng pag-asa para sa taong ito. Sana naman matupad, para sa ating lahat.