MATINDING tumututol ang simbahang Katoliko sa ano mang uri ng pagsupil sa paglago ng populasyon.
Ang sabi raw ng Diyos sa Bibliya, “humayo kayo at magpakarami.” Kasalanan daw, sabi ng mga awtoridad ng Simbahang Katoliko na gumamit ng ano mang uri ng artificial contraception ang mag-asawa.
Ngunit nakababahala ang mabilis na paglago ng populasyon. Ayon sa Population Commission (PopCom), inaasahan na sa taong ito (2008) aabot na sa 90-milyon ang bilang ng mga Pilipino.
Sabi ni PopCom executive director Tomas Osias, kung hindi pa dahil sa maramihang migration sa ibang bansa ng mga Pilipino, posibleng ang pagtayang ito’y higit pa.
Bagamat iginigiit ng pamahalaan na gumaganda ang ekonomiya, nagdudumilat na katotohanan na marami ang mga nagugutom. Hirap na hirap ang pamahalaan na tugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng bawat Pilipino.
Ang dahilan ay ang sobra-sobrang bilang ng tao na nagsasalu-salo sa maliit na bibingka. Yung mga mabagal kumilos ay tiyak na mauubusan at magugutom.
Sabihin mang umuunlad ang ekonomiya, kung mas mabilis naman ang paglago ng populasyon, hindi pa rin masasawata ang problema sa karalitaan.
Ang tao’y binigyan ng Diyos ng talino para gamitin. Kung tutuusin, matagal nang nagampanan ng tao ang tagubilin ng Diyos na magpakarami. Labis-labis na nga ang dami ng tao na kadalasang pinagmumulan ng sigalot sa daigdig.
Ang pagsisiping ng mag-asawa ay hindi lang naman sa layuning paramihin ang populasyon ng mundo kundi para ipadama ng mag-asawa ang pag-ibig sa bawat isa. Sa tingin ko, the Catholic church should rethink it’s position on this controversial issue.