ANG Pasko ay panahon ng kasiyahan, pagmamahal at, dahil bisperas ng bagong taon, panahon din ng pag-asa sa pagbabagong magaganap. Kung naging kritikal ang ating kolum sa mga kaganapan at personalidad na laman ng balita sa taong nakalipas, ito nama’y sinadya dahil mula nang umpisa, deklarado ang REPORT CARD na magsisilbing tagapaalala sa ating mga opisyal tuwing ito’y naliligaw sa landas ng marangal na paglilingkod. Wala po tayong control kung napaparami ang natatamaan ng batu-bato sa langit – ang ibig lang pong sabihin ay napapadalas yata ang pagkalimot ng ating opisyal sa kanilang sinumpaan.
Subalit hindi naman hopeless ang sitwasyon. Lalo na kapag mabasa ang kabayanihan ng isang Ronald Alfonso, Airport security officer sa Diosdado Macapagal International Airport. Nakapulot ng US$10,000 sa sahig sa greeting area, agad naman itong nai-turnover at nabalik sa Koreanong nakawala ng salapi. Ngayong panahon ng paghihirap, napakalaking tukso ang halos kalahating milyong piso. Lalo na kung iisipin na ang ating mga opisyal ay kaliwa’t kanan ang anomalya, kaliwa’t kanan ang pagbigay sa sarili ng Shopping bag ng pera o ng Christmas bonus. Ang mga maliit na kawani ng gobyerno tulad ni Ginoong Alfonso ang bumubuhay ng natitirang pag-asa na kaya pang magbago.
At siyempre, nariyan si NICE – isang 11 year old na anghel na, sa kabila ng kanyang sakit na Lupus, ay patuloy ang pag-akda ng magagandang painting. Nabebenta ang kanyang mga artwork dahil sa angking ganda – at ang kinikita ni NICE ay pinamamahagi sa mga pasyenteng nangangailangan ng pera para magpagamot.
Sa mga nangangailangan ng tapik sa balikat para maalala ang sinumpaang tungkulin, masdan lamang ang halimbawa nitong dalawa. Wala namang ga-hercules na gawain ang hiningi sa kanila ng pagkakataon. Simpleng pagsu-nod sa mga kinagisnang aral ng magandang asal, katapatan at pagtulong sa kapwa. Testigo sina Mr. Alfonso at si Bb. Nice na kung meron mang Moral Revolution na hinahanap ang Palasyo, sa loob lang ng Palasyo dapat maghimagsik dahil ang maliit nilang mga kababayan ay hindi pa naman naliligaw katulad nila. Nakakahiya kayo.
Merry Christmas!