Ang Pasko’y ano ba, ano nga ba ito
Na lagi na lamang masaya ang tao?
At sana’y lagi nang nagdiriwang tayo
Saka ang daigdig ay ligtas sa gulo!
Subali’t ang Pasko’y di laging masaya
Sapagka’t kung minsan ay hapis ang dala;
Dumarating itong tayo’y nagdurusa
Dahil sa magulo at dukha ang iba!
Kaya itong Pasko ay may dalwang mukha
Ang isa’y luhaan -– ang isa’y masaya;
Masaya ang Pasko kung tao’y sagana
Malungkot ang Pasko kung ang tao’y dukha!
Sa mga tahanang malaki at tanyag
Ang mesa ay hitik sa maraming prutas;
Sa tahanang munti’t sa yaman ay hungkag -–
Ang hapag-kainan ay salat na salat!
Kung Pasko’y may batang maraming laruan
Na bigay ng kanyang mayayamang ninang;
Mas maraming batang larua’y pulot lang –-
Pagka’t wala silang nagisnang magulang!
Palibhasa’y amang tuwina’y masikap
Pagsapit ng Pasko masaya ang anak;
Subali’t ang amang lagi nang halaghag
Mga anak niya’y hirap ang kayakap!
Kung Pasko’y masdan mo ang buong paligid -–
Mga dekorasyon sa ilaw ay tigib
Ganyan ang tahanan sa magarbong village
Na ang nakatira’y natutong magtipid!
Dumako ka naman sa may tabing-ilog
Mga bahay roon sa tubig ay lubog;
Kahi’t Paskung-Pasko ang ilaw na tanod
Ilawang de-gaas o kandilang upod!
Kaya ngayong Pasko ay hindi malaman
Kung saan hahantong ang pusong luhaan;
Saan ba mabuting Pasko’y ipagdiwang
Sa magarang bahay o sa dampang giray?
Mainam sigurong tayo ay lumapit –
Sa Dakilang Sanggol –- Hari ng Pag-ibig;
Tayo ay magdasal: Sa Paskong sasapit
Gawin N’yang parehas tao sa daigdig!