ANG kasong ito ay tungkol sa 400 metro kuwadradong lupa na minana ni Letty mula sa kanyang asawa. Ito ang pinagmulan ng isang pirmadong “kasunduan” sa pagitan ni Letty at Rosie noong Set. 28, 1981 kung saan binili ni Rosie ang nasabing lupa sa halagang P6,000. Ang paunang bayad ay P3,000 at ang balanseng P3,000 ay babayaran matapos makakuha ng bagong titulo ng lupa si Letty na nakapangalan na sa kanya. Pirmado rin ng mga anak ni Letty ang nasabing kasunduan.
Nang araw ding iyon, nagbayad na si Rosie ng P3,000. Sa mga sumunod na araw, paunti-unti niyang binayaran ang P2,500 hanggang sa P500 na lang ang maiwang balanse. Samantala, noong Set. 22, 1982, mahigit isang taon matapos magkapirmahan ang magkabilang panig, isang bagong titulo (TCT No. T-51153) ang inilabas na nakapangalan na kay Letty.
Matapos ang 13 taon saka inalok ni Rosie at ng kanyang asawa ang kakulangang P500 upang mapalipat na ang lupa ni Letty sa kanyang pangalan. Pinapipirma nila ng dokumento ng bentahan si Letty. Ngunit ayaw na nitong pumirma pati ang kanyang mga anak. Humihingi na sila ng dagdag sa napagkasunduang halaga. Dahil sa nangyari, nagsampa na ng kaso ang mag-asawa laban kay Letty upang puwersahin na ito na tuparin ang kanilang napagkasunduan. Argumento naman ni Letty, lumampas na ang nasabing asunto sa 10 taong itinakda ng batas (Art. 1144 (1) Civil Code). Dagdag pa nito, sinampa ng mag-asawa ang kaso noon lamang Agosto 15, 1995 o mahigit 13 taon na mula ng makuha niya ang titulo niya sa lupa noong Set. 22, 1982.
Ayon naman sa mag-asawa, dapat bilangin ang 10 taon mula 1995 kung kailan nila nalaman ang tungkol sa bagong titulo at ibinibigay na nila ang kakulangang P500. Hindi raw kasi sinabi sa kanila ni Letty na nakakuha na ito ng panibagong titulo. Tama ba ang mag-asawa?
MALI. Si Letty ang tama. Ang reklamo ng mag-asawa ay dapat na isantabi na. Ayon sa batas (Art. 1144 Civil Code), wala na silang karapatang magsampa ng asunto. Ang aksyon batay sa nakasulat at pinirmahang kontrata ay may bisa lamang sa loob ng 10 taon mula sa petsang ginawa ito. Nagkamali ang mag-asawa ng pilitin nilang ibayad ang kakulangang P500 matapos ang 13 taon. Huli na ang pagsasampa nila ng kaso.
Tungkol naman sa sinasabi nilang hindi sila inabisuhan ni Letty tungkol sa pagdating ng bagong titulo (TCT No. T-51153), hindi rin maaaring ipilit ng mag-asawa na wala silang alam tungkol dito. May tinatawag tayo sa batas na “constructive notice to the whole world”, ibig sabihin, hindi kailangang ipaalam sa kanila ang tungkol sa nasabing bagay dahil dapat na may kaukulan na silang kaalaman sa bagay na ito. (SPOUSES BORBE VS. CALALO, G.R. 152572, OCT. 5, 2007).