SA personal na aspeto ng away nina Senador Bong Revilla at Optical Media Board (OMB) Chair Edu Manzano, wala akong pinapanigan.
Pero sa katuwiran, korek si Senador Bong. Dapat unahin ang malalaking isda sa kampanya laban sa mga pirated CDs. Ang konsentrasyon kasi ng mga raid ng OMB sa pangunguna ni Edu ay ang mga malls gaya ng Makati Cinema Square. Gusto naman ni Bong ay unahin ang Quiapo na pinakapuso o pugad ng mga namimirata ng CDs. I agree na sa pagsugpo ng isang illegal na operasyon, dapat unahing tigpasin ang “puso” nito para tuluyang mapuksa ang sindikato.
Si Bong ay chairman ng oversight committee ng Senado sa optical media at pumayag naman si Edu na makasama siya sa mga operasyon. Ngunit ang gustong I-raid ni Edu ay ang BF Homes at Makati Cinema Square, salungat sa ibig ni Bong na Quiapo area ang unahin. Ang katuwiran ni Edu, “peligroso” daw na sumuong sa Quiapo at hindi niya isasakripisyo ang buhay ng kanyang mga tauhan. Tugon naman ni Bong, walang dapat ikatakot porke may kasama siyang limampung armadong sundalo para magarantiyahan ang kanilang proteksyon. Dahil diyan ay nagkakapalitan na ng mga masasakit na salita ang dalawang opisyal. Tigil na sana iyan at magkasundo kayo sa tama. Kung may ibang natutuwa sa away na iyan, walang iba kundi ang mga pirata ng mga cd.
Sabi ni Edu, ayaw daw niyang sumuong sa operasyong kulang sa planning. Kung iyan ang katuwiran, tigil na rin muna ang raid sa mga small outlets ng mga illegal na produkto. Mabubulabog lamang ang mga tagagawa, titiklop at magpapalamig muna. Kung determinado ang OMB na sugpuin ang film piracy, gumawa ng estratehiya para malumpo ang mga mastermind nito. Hit the jugular Edu! Korek si Bong na unahin ang malalaking isda.