PATULOY na nakabitin sa alanganin ang pagpapasa ng Cheaper Medicines Bill. At mahirap paniwalaan kung ang panukalang batas na ito ay prayoridad ni President Arroyo. Kung totoong prayoridad, hindi na sana isinama sa biyahe niya ang mga kongresistang kaalyado niya para matutukan ang Cheaper Medicines Bill. Ang version ng Cheaper Medicines Bill sa Senado ay matagal nang naipasa. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Senado sa pagpapasa ng kanilang version sapagkat nakikita marahil nila na kailangang-kailangan na ito ng mahi hirap na mamamayan — lalo ng mga maysakit.
Maraming mahihirap at maysakit na Pinoy ang umaangal dahil sa sobrang mahal ng gamot. Karaniwang sakit ng mga Pinoy ang diabetes, hypertension, sakit sa puso at ang gamot sa mga sakit na ito ay ubod ng mahal. Inaagaw ng mahal na gamot ang pambili ng bigas at ulam ng mga mahihirap. At ang ilan, dahil sa kamahalan ng gamot, hindi na sila bumibili, nagtitiis na lamang sila sa payo ng albularyo na magtapal ng kung anu-anong dahon.
Nang ipanukala ng mga mambabatas ang Cheaper Medicines Bill, maraming mahihirap ang nabuhayan ng pag-asa sapagkat ang ubod taas na presyo ng gamot ay babagsak na at makakabili na sila. Matitikman na rin nila ang gamot na abot-kaya.
Subalit lumipas ang isang taon ay nananatiling drowing ang Cheaper Medicines Bill. Walang makitang pagmamadali sa mga kongresista para agad na maipasa at nang mapakinabangan ng mamamayan. Kung gaano kabilis ang mga senador sa pagpapasa ng kanilang version sa Cheaper Medicines Bill, usad-pagong naman ang mga kongresista. Iilan lamang sa mga kongresista ang nagpupursige na maipasa ang batas at sila ay sina Reps. Antonio Alvarez ng Palawan, Rodolfo Albano Jr. ng Isabela at Deputy Minority Leader Neptali Gonzales.
Ang tatlo ay kabilang sa mga inimbitahan ng Malacañang para sumama sa biyahe ni Mrs. Arroyo sa Europe pero tumanggi sila.
Kung sa halip na nagbiyahe ay iniukol na lamang ng mga kongresista ang pagpapasa sa Cheaper Medicines Bill e di sana’y may magandang nangyari. Mas prayoridad ang biyahe kaysa murang gamot? Iyan ang nakikita.