NAG-WALKOUT sa hearing sa Makati RTC ang grupo ni Senator Antonio Trillanes, Brig. Gen. Danny Lim, kasama si Vice President Teofisto Guingona, UP President Francisco Nemenzo at mga mamamayang nakikiisa sa kanilang adhikain. Kasama ang mismong mga bantay at military escort, sabay sabay sila nagmartsa papuntang Manila Peninsula Hotel.
Punang-puna sa TV coverage ang suporta ng tao sa kanilang ginawa: Mga sasakyang dinaanan sa lansangan na nag-iingay at nagbubusina ng suporta; mga mamamayang sumisigaw ng kanilang pakikiisa; ang pagtaas pa ng kita na Stock Exchange at ang kawalan ng anumang hakbang mula sa awtoridad na pigilin ang ginawang pag-aaklas. Meron ding pailan-ilang nagpahayag ng di pagsang-ayon. Subalit malinaw na ang mayorya ay nakikiisa o kung hindi man ay nagsasawa-lang bahala na lang.
Ang withdrawal of support na binasa ni Brig. Gen. Lim ay ang maituturing na modernong “Cry of Balintawak”, ang hayagang deklarasyon mula sa mga aktibong sundalo na hindi na nila masisikmura pa ang malalang pang-aabusong nagaganap sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Wala na itong atrasan!
Anuman ang personal na posisyon tungkol sa ganitong mga hakbangin, hindi na maitatago ang malawak na kawalan ng tiwala sa kasalukuyang administrasyon. Ang pagkilos na ito ay panghuli lamang sa dumadami nang protesta ng taumbayan. Hindi tumitigil at hindi titigil ang protesta hangga’t hindi rin tumitigil si Gloria. Ipagsama mo pa si Marcos, Aquino, Ramos, Estrada — hindi nito mapatutumba ang litanya ng anomalya sa ilalim ni Arroyo.
Lumindol nung Martes at muli tayong pinaalalahanan na kapag hindi maayos ang pagkumpuni ng ating mga tahanan at kapag hindi patuloy ang pagmentina nito, hindi mapipi-gil na ito’y bumagsak. Ganyan din ang mangyayari sa mga institusyon ng pamahalaan kapag hindi ito gamitan ng maayos na pamamalakad. Kaunting yanig lang at ito’y guguho. Lalo na kung sa loob mismo manggaling ang pag-agnas. Para itong bahay na inubos ng anay -– hindi kailangan ng atake mula sa labas para bumigay.
Alam na ng lahat na tulog mantika si Gloria. Mabulabog na sana ito ng husto upang gumising at gumawa na ng hakbang na talagang makakapagpatahimik sa bansa.